My Diamond, liyamado sa 2-year Maiden Race
- BULGAR
- Dec 23, 2022
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | December 23, 2022
Malaki ang posibilidad na maging liyamado sa laban si My Diamond pagsalang nito sa 2-Year-Old Maiden Race na pakakawalan sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas, ngayong araw.
Subalit inaasahang mahihirapan din sa pagpili ang mga karerista sa kanilang tatayaan dahil mga tigasin din ang ibang kalahok sa 1,200 meter race.
Ayon sa mga kareristang nagkomento sa social media, puwedeng sina Trusson at Sartorial Elegance ang maging mahigpit na kalaban ni My Diamond sa event na nakalaan ang P20,000 added prize para sa winning horse owner.
Gagabayan ni jockey Claro S. Pare, maliban kina Trusson at Sartorial Elegance ang ibang makakatagisan ng bilis ni My Diamond ay sina Prince Ise, Jeng Wears Prada Deus Ex Machina, Katherine at Sister Moon. "Tiyak na maganda ang bigayan niyan sa dibidendo kahit liyamado ang manalo, kalat-kalat ang bentahan dyan," saad ni Maximo Ventura, veteran karerista.
Inaasahan din na aabangan ng mga karerista ang bakbakan ng pitong mahuhusay na kabayo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pakakawalan sa pangalawang karera.
May distansiyang 1,200 meter race, ang mga kalahok ay sina Shining Bullet, Pilya, Mantigue Island, Nicole's Best, Empire Ruler, Scarlet Master at Just And Fierce.
Ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta ang karagdagang P15,000 premyo habang P10,000 ang added prize para sa winning horse owner.
Samantala, may pitong karera ang inihain ng Metro Manila Turf Club Inc. (MJCI), lahat ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).





Comments