Murray ng Nuggets, ginulat ang Lakers, 2-0 na sa West
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 20, 2023

Laro ngayong Sabado – TD Garden
8:30 a.m. Miami vs Boston
Nagpasiklab ng matinding shooting si Jamal Murray at binigo muli ng Denver Nuggets ang bisitang Los Angeles Lakers, 108-103, para lumamang ng 2-0 sa kanilang seryeng best-of-seven ng NBA Playoffs Western Conference Finals kahapon sa Ball Arena. Ito rin ang unang beses na natalo ang Lakers ng dalawang sunod ngayong Playoffs at lilipat na ang serye sa Crypto.com Arena para sa susunod na dalawang laro sa Linggo at Martes.
Hawak ng Lakers ang 79-76 na lamang subalit hindi nila napigilan si Murray na nagsabog ng 23 puntos sa 4th quarter kumpara sa kabuuang 24 ng Lakers. Huling tumikim ng lamang ang Lakers, 83-81 at iyan ang hudyat para sa magkasunod na tres ni Murray at isa pa kay Bruce Brown para maging 90-83 at hindi nila binitawan ito sa nalalabing 6:49.
Lumaban pa rin ang Lakers at lumapit sa three-points ni Austin Reaves, 99-101, at 1:07 sa orasan. Sinagot ito ng apat na free throw ni Murray upang makahinga ng maluwag ang Nuggets sa huling 24 segundo, 105-99.
Nagtapos si Murray na may 37 puntos mula sa anim na tres at 10 rebound at patuloy ang kanyang himalang pagbangon mula sa matinding pilay sa tuhod noong Abril 2021 na dahilan ng kanyang hindi paglaro ng 18 buwan. Inilatag ni Nikola Jokic ang pundasyon ng panalo sa kanyang triple double na 23 puntos, 17 rebound at 12 assist.
Gumawa ng tig-22 puntos sina Reaves at LeBron James na pumasa din ng 10 assist.
Hindi pa natatalo ang Lakers sa anim na laro sa kanilang tahanan ngayong Playoffs.
Sisikapin ng Nuggets na gawin ang hindi nagawa ng mga koponan nilang lumaban sa 2020, 2009, 1985 at 1978 West Finals at iyan ay ang manalo ng tatlong laro. Hindi pa nakakapasok ang Denver sa NBA Finals buhat noong lumipat sila galing sa nagsarang ABA noong 1976.





Comments