Murray bumirada sa Nuggets, inisahan ang Suns sa Semis
- BULGAR
- May 1, 2023
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 1, 2023

Ibang antas ng laro ang ipinamalas ni Jamal Murray at tinulungan niya ang Denver Nuggets sa 125-107 panalo sa Phoenix Suns sa pagbubukas ng Western Conference Semifinals ng 2023 NBA Playoffs kahapon sa Ball Arena. Ang Game 2 ng seryeng best-of-seven ay nakatakda sa Martes sa parehong palaruan.
Unang quarter pa lang ay 10 puntos si Murray subalit kumapit ang bisitang Suns sa 32-31 lamang. Kumilos ang Denver sa second quarter sa likod nina Kentavious Caldwell-Pope, Michael Porter Jr. at Aaron Gordon para itayo ang 68-57 iskor at hindi na nila binitawan ito.
Lumobo sa 120-95 ang agwat sa huling apat na minuto sa buslo ni Porter at maagang pinaupo ng Phoenix ang kanilang mga bituin. Pumukol ng anim na tres si Murray patungo sa 34 puntos at sumuporta sina Nikola Jokic na may 24 puntos at 19 rebound at Gordon na may 23 puntos.
Napipisil si Murray na pangunahan ang Canada sa Grupo H ng parating na FIBA World Cup sa Indonesia at tutuloy sila sa Pilipinas kung malulusutan ang group stage. Mapapanood ng mga Pinoy si Jokic at Serbia sa Grupo B na gaganapin sa Araneta Coliseum.
Samantala, sa Miyerkules na ipapakilala ang 2023 NBA MVP at ang tatlong kandidato ay maaaring maging bahagi ng World Cup. Maliban kay Jokic, kasama sa nominado si Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee Bucks at Gresya habang namimili ang tubong Cameroon na si Joel Embiid ng Philadelphia 76ers sa pagitan ng Pransiya at Estados Unidos.




Comments