top of page
Search
  • BULGAR

Murray arangkada sa Nuggets at Knicks, pareho nang 2-0

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 23, 2024




Ipinasok ni Jamal Murray ang nagpapanalong puntos para sa World Champion Denver Nuggets, 101-99, laban sa bisitang Los Angeles Lakers upang umakyat sa 2-0 sa pagpapatuloy ng 2024 NBA Playoffs kahapon sa Ball Arena. Sa Eastern Conference, umarangkada rin ang New York Knicks at Cleveland Cavaliers sa 2-0 sa kanilang hiwalay na serye.


Matiyagang binura ng Nuggets ang 68-48 lamang ng Lakers sa third quarter. Bumida si Murray sa huling minuto at nagtala ng dalawang free throw para tumabla, 97-97.


Sinagot ito ng buslo ni LeBron James na ibinalik ang bentahe sa Lakers pero nagawang itabla muli ni Murray ang iskor na may 30 segundong nalalabi. Biglang nagmintis ang three-points ni LBJ at napunta ang bola kay Murray na tumira mula 15 talampakan sabay tunog ng busina.


Triple double si Nikola Jokic na 27 puntos, 20 rebound at 10 assist habang 22 si Michael Porter Jr. Ginawa ni Murray ang lahat ng anim na puntos ng Denver sa huling minuto para magtapos na may 20.


Naging mas matibay ang New York sa huling minuto at binigo ang Philadelphia 76ers, 104-101. Humirit ng magkasunod na three-points sina Jalen Brunson at Donte DiVincenzo upang maagaw ng Knicks ang lamang na may 13 segundo sa orasan, 102-101.


Nanaig ang depensa at nagmintis ang tira ni Tyrese Maxey kaya napilitan bigyan ng foul si OG Anunoby na walang kabang ipinasok ang dalawang paniguradong free throw. Hindi talaga araw ng 76ers at hindi pumasok ang tres ni Joel Embiid sabay ubos ng oras.


Nanguna sa Knicks si Brunson na may 24 at sinuportahan ni Josh Hart na may 21 at 15 rebound. Nag-ambag ng 19 si DiVincenzo. Madaling tinalo ng Cavs ang Orlando Magic, 96-86. Nagsabog ng 23 si Donovan Mitchell at may 16 at 20 rebound si Jarrett Allen.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page