Muros-Posadas, pinapurihan si De Vega; NBA Russel, retired na
ni Anthony E. Servinio / GA - @Sports | August 13, 2022

Pinapurihan ni long-jump queen Elma Muros-Posadas ang maituturing na idolo at nag-iisang Asia’s sprint queen Lydia De Vega-Mercado sa inilabas nitong mensahe sa kanyang social media upang gunitain ang naging karanasan sa malapit na kaibigan at nakasama ng matagal sa national athletics team.
Naging inspirasyon at motibasyon ng 55-anyos na dating 15-time SEAG gold medalist ang namayapang kaibigan, bago pa lamang ito magsimula bilang atleta, na simula’t sapul ay pinangarap na maging tulad ng minsang naging “Fastest woman in Asia” noong dekada ’80.
“RIP Diay, I will miss you. Sa totoo lang, ikaw ang IDOL ko mula sa Romblon sa taon ng 1978 sa radyo lang kita nababalitaan. Ikaw ang dahilan kung bakit ako pumasok sa athletics,” pahayag ni Muros-Posadas sa kanyang Facebook post Huwebes ng umaga kasunod ng balitang pagpanaw ng 57-anyos na two-time Olympian noong 1984 Los Angeles at 1988 Seoul Olympics.
Matinding nakipaglaban ang 2-time Asian Games at 9-time SEAG champion sa stage 4 breast cancer na pumanaw sa Makati Medical Center Miyerkules ng gabi.
Samantala, retirado na ang numero 6 sa NBA simula ngayong taon bilang parangal sa namayapang alamat na si Bill Russell. Kinilala ang 6’10” sentro ng Boston Celtics para sa kanyang 11 kampeonato at pagsulong ng pantay na karapatan para sa kanyang kapwa Aprikanong Amerikano. Magtatatak ng 6 sa kanang dibdib ang lahat ng uniporme ng 30 koponan. Maglalagay din ng parehong marka sa lahat ng mga sahig tuwing may laro ang NBA.
Lahat ng mga aktibong manlalaro na gumagamit ng 6 ay papayagang gamitin ito hanggang magtapos ang karera o kusang magpasya na palitan ito. Isa rito si LeBron James ng Los Angeles Lakers na maaaring lampasan ang isang pang alamat Kareem Abdul-Jabbar para sa pinakamaraming puntos sa kasaysayan ng NBA bago matapos ang torneo.





Comments