top of page
Pokwang.jpg

Mundo, umikot lang daw sa madir… BOY, KUMANTANG NATAUHAN NANG MAMATAY SI NANAY LESING

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 14, 2020
4 min read

Julie Bonifacio - @Winner | November 14, 2020




Ipinostpone ng Kapamilya singer na si Angeline Quinto ang cremation ng kanyang yumaong ina na si Rosemarie Susan Mabao o ang kanyang Mama Bob last Thursday dahil kasalukuyang nananalasa ang Bagyong Ulysses nu'ng araw na 'yun.


Sa kanyang Instagram account, post ni Angeline, "Mama Bob, 'di ko muna ipinatuloy ang cremation mo ngayon, ha? Ang lakas kasi ng hangin at ulan kanina, eh. Alam ko naman ayaw mo 'yun, eh. Bukas na lang Mama Bob, ha? I love you very much Mama. Sobra Ma. I miss you Mama Bob kong mahal na mahal."


Sa huling video sa PadaLove show ni Angeline sa kanyang You Tube channel ay bumaha ng luha mula sa kanya at sa special guest sa Season 2 episode 12 na si King of Talk Boy Abunda.


They both shared kasi ang mga pinagdaanan nilang pain sa pagyao ng kani-kanilang ina. Hindi naman lingid sa lahat kung gaano kamahal ni Kuya Boy ang kanyang inang si Nanay Lesing (Licerna Abunda).


Ang video ay kuha noong October 17 lang at kasalukuyang nasa ICU pa si Mama Bob noon.


Gaya ni Mama Bob na matagal na-confine, si Nanay Lesing ay 63 days ang ipinag-stay sa ospital.


"Malungkot. Sobrang malungkot. Sentro ng buhay ko 'yun, eh. She was front, center of my life. Akala ko, Angge, hindi ko kakayanin," lahad ni Kuya Boy.


Inisip pa ni Kuya Boy na kung nangyari sa kanya na nasa hospital si Nanay Lesing during pandemic tulad ni Mama Bob, hindi raw niya alam kung ano ang kanyang gagawin. Kasi nga, 'di niya matitiis na 'di makita si Nanay Lesing even a single day.


Nasa bahay niya sa Tagaytay si Kuya Boy nu'ng mag-guest sa PadaLove ni Angeline. Until now, nandu'n pa rin si Kuya Boy habang ipinare-renovate ang kanyang bahay sa Kyusi.


"Itong bahay namin na ito, ipinagpatayo namin ni Tito Bong (Quintana, his long-time partner and a top executive sa PAGCOR) dahil kay Nanay, dahil nga mahilig siya sa malamig na lugar."


Dagdag pa niya, "Alam mo ang kuwento nito, Angge? Dati, nag-uupa kami ng bahay-kubo sa gilid ng kalsada, sa may ridge overlooking the volcano, P50 a day pa nu'n ang upa. Magdadala lang kami ng baon, kanin, ulam, tapos sabi namin, 'Nay, 'pag tayo'y yumaman (laughs), magtayo tayo ng bahay dito sa Tagaytay. Ang bait ng Diyos, it happened. Kaya dito kami madalas. Dito siya nagbi-birthday. Enjoy siya rito."


Pagyao ni Nanay Lesing, nahirapan si Kuya Boy. May mga araw na bigla na lang siyang umiiyak dahil naalala ang ina at nami-miss niya.


Personal choice ni Angeline na i-guest si Kuya Boy sa episode 12 dahil gusto niyang humingi ng advise sa mahusay na TV host.


Inamin ni Angeline na nasa punto siya ng buhay niya na medyo hindi alam kung hanggang kailan kakayanin na ang kanyang Mama Bob ay halos isang buwang nasa ICU that time.


Nu'ng malakas pa raw ang ina, nagbilin na ito na 'wag na 'wag siyang ipapaopera sakaling may mangyari sa kanya, pero no choice si Angeline dahil gustong mailigtas ang kanyang Mama Bob.


Maya-maya, nag-breakdown na si Angeline habang iniinterbyu si Kuya Boy na itinuturing niyang ama na rin.


"Alam po ng lahat ng tao na si Mama Bob lang ang meron ako," naiiyak na sabi ni Angeline.

"Sobrang bilis po kasi na, parang hindi ako ready na makita," hagulgol pa niya.


Ang mawala raw si Mama Bob ang isa sa mga pinakakinatatakutan niya na mangyari sa buhay niya. Isa raw ito sa mga krus na napakabigat na ibinigay ng Diyos sa kanya.


Isiniwalat naman ni Kuya Boy ang personal niyang karanasan nu'ng kailangan niyang magdesisyon para sa buhay ni Nanay Lesing.


Katulad ni Angeline, tinanong din daw si Kuya Boy ng mga doktor kung tatanggalin na ang life support ni Nanay Lesing.


"Meron daw papel na kailangang pirmahan na nagsasabi, 'Do not resuscitate' or 'yes or no.' 'Yun ang isa sa mga pinakamahinang pagkakataon sa buhay ko, because sinabi ko sa mga doktor na hindi ko kayang pirmahan 'yun."


At nu'ng yumao na si Nanay Lesing, doon na-realize ni Kuya Boy kung gaano siya kahina pagdating sa kanyang ina.


"Akala ko kakayanin ko, pero hindi ko kinaya. In-embrace ko lang ang katotohanan na mahina ako lalo na kapag pinag-uusapan si Nanay. Wala akong laban."


Pilit daw ginagawa ni Kuya Boy ang maka-recover para na rin sa kanyang partner na si Bong, sa kanyang kapatid at pamangkin. Pero inamin niya na hindi pa rin niya nagagawa nang buo dahil sa tingin niya, HE WILL NEVER RECOVER.


Samantala, kahapon (Biyernes) ay natuloy na rin ang cremation ng kinikilalang ina ni Angeline na si Mama Bob. Si Mama Bob ay tiyahin ng biological mom ni Angeline.


Ilang oras bago ang cremation ni Mama Bob ay isang madamdaming mensahe muli ang ipinost ni Angeline sa Instagram.


"Good morning Mama Bob. Alam na alam mo kung gaano kita kamahal at nami-miss. Nasa pinakamagandang lugar ka na, Mama Bob. Mag-enjoy ka d'yan Mama, ha? Siguro, lagi kang nakangiti d'yan. Basta Mama, lahat ng itinuro mo sa akin, habambuhay ko 'yang babaunin. Mahal na mahal na mahal kita, Mama Bob ko. Ang naging mundo at pangarap ko. Ang ULTIMATE IDOL NG BUHAY KO."


As of this writing, katatapos lang ng seremonya at cremation ng kinalakihang ina ni Angeline.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page