ni Ryan Sison @Boses | December 23, 2023
Pagmumultahin at maaaring bawian ng lisensya ang security guard na magsusuot ng Santa Claus at gumagawa ng ibang trabaho bukod sa kanilang pangunahing tungkulin.
Ito ang naging babala ng Philippine National Police-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA), kung saan mahigpit nilang ipinagbabawal sa mga sekyu ang pagsusuot ng Christmas costume lalo na ngayong holiday season.
Paliwanag ni PNP-SOSIA Director Police Brig. General Gregory Bogñalbal, bawal na magsuot ng Santa Claus costume ang mga security guard dahil puwedeng gawin ng mga kriminal na magsuot din ng costume at malusutan sila ng mga ito habang nagbabantay sa mga mall, fast food chain, groceries at iba’t ibang terminal.
Gayundin sinabi ni Bogñalbal na bawal ang mga guwardiya na gumawa ng ibang trabaho, gaya ng pagiging utility, parking attendant, service crew, janitor at iba pa, maliban sa kanilang tungkulin.
Giit ng opisyal, dapat na nakatuon lamang ang mga security guard sa kanilang pagbabantay sa mga establisimyentong pinagtatrabahuhan dahil sila ang mga force multiplier ng PNP.
Ayon pa kay Bogñalbal, sakaling lumabag ang mga sekyu, pagmumultahin sila ng P500 hanggang P1,000 sa unang paglabag at maaari pang tumaas ito depende sa raming beses na gagawing violation. Mapapatawan din ng parusa ang kanilang security agency at puwedeng mabawian ng lisensya.
Tama lang ang polisiyang ipapatupad ng kinauukulan sa ating mga security guard.
Marami na kasing nagkalat na mga kawatan sa paligid kaya marapat lang na tutok na tutok sila sa pagbabantay.
Sa halip na mga Santa Claus costume, dapat lang na nakasuot sila ng kanila talagang uniporme para madali rin silang makilala ng mga kababayan.
Maaari rin kasing mabigyan pa ng ideya ang mga scammer dahil dito at makalusot sila sa kanilang paningin. Mas makabubuting maging alerto ang mga security guard lalo pa’t dagsa na talaga ang mga mamimili sa mga mall at mga pasahero sa mga terminal.
Paalala lang sa mga kababayan na mag-ingat tayo lagi sa paglabas at pamimili ngayong Kapaskuhan dahil hindi sa lahat ng oras ay kaya tayong bantayan ng ating mga security guard laban sa mga kawatan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentarios