Muling pagtaas ng COVID-19 cases, dahil sa kalamidad at holiday season

ni Ryan Sison - @Boses | December 2, 2020
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
Ito ay matapos bumalik sa 2,000 ang kasong naitatala mula noong Linggo, gayundin nang mapansin ng OCTA Research Group na tumaas ang mga bagong kaso noong Nobyembre.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang pagtaas ng COVID-19 cases ay posibleng dahil sa pananatili ng ilang residente sa mga evacuation centers nang manalasa ang mga bagyo.
Gayundin, habang papalapit ang Kapaskuhan, parami nang parami aniya ang mga lumalabas at nakakalimot na sumunod sa minimum health standards tulad ng tamang pagsusuot ng facemask at face shield, gayundin ang physical distancing.
Hindi pa riyan natatapos ang hawaan dahil malamang, mayroon ding iba’t ibang ganap o pakulo ang ilan nating mga kababayan ngayong Kapaskuhan.
Bagama’t hindi hinihikayat ang Christmas party at iba pang pagtitipon, nagpaalala rin ang kalihim na ipagdiwang ang Pasko sa tahanan kasama ang pamilya at iwasang mag-imbita ng ibang kaanak.
Kasunod nito ang babala na kung isasailalim sa modified general community quarantine (MGCQ) ang mga lugar na nasa general community quarantine (GCQ) kabilang ang Metro Manila, posibleng lumawak ang hawaan at dadami ang magkakaroon ng impeksiyon.
Posible aniyang mahirapan ang health system capacity ng bansa na magiging malaking problema kung luluwagan ang community quarantine restrictions dahil mas maraming tao ang lalabas.
Pero ‘ika nga, wala nang magagawa dahil tumaas na ang kaso dahil sa kalamidad, pero ngayon, ang magagawa natin ay tiyaking nasusunod pa rin ang minimum health standards, gayung dagsa na ang mga namimili at namamasyal.
Wala mang may gusto na tumaas ang bilang ng COVID-19 cases matapos ang pananalasa ng mga bagyo, may magagawa tayo upang maiwasan ang hawaan ngayong Kapaskuhan.
Tulad ng paulit-ulit nating paalala, magkusang sumunod sa health protocols at kung walang mahalagang pakay, ‘wag nang lumabas.
‘Ika nga, tiis pa more para matapos na ang paghihirap nating ito at ‘pag napagtagumpayan ang laban kontra pandemya, saka tayo magsaya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments