Mukhang mag-tatay lang… JULIA, SI AGA ANG BAGONG LEADING MAN
- BULGAR
- Jul 6, 2023
- 2 min read
ni Beth Gelena @Bulgary Files | July 6, 2023

Hindi na talaga mapipigil pa ang pamamayagpag ni Julia Barretto bilang reyna ng Viva Films. Sunud-sunod kasi ang paggawa ng mga pelikula ng girlfriend ngayon ni Gerald Anderson sa nasabing film production company.
Matatandaang ang unang movie na nagawa niya sa Viva Films ay ang Expensive Candy kasama si Carlo Aquino noong 2022.
At katatapos lang ipalabas sa mga sinehan ang pelikulang pinagsamahan nila ni Diego Loyzaga na may titulong Will You Be My Ex?.
Kinumpirma na ng chairman ng Viva Films na si Vic del Rosario na si Julia na nga ang papalit kay Bea Alonzo para maging kapareha ni Alden Richards sa Filipino adaptation ng isang Korean movie.
Ang pinaka-latest ngayon sa aktres, may naka-line-up din siyang movie project kasama ang veteran actor na si Aga Muhlach (na nakasama ng kanyang tita na si Claudine Barretto sa ilang proyekto).
Ipinost na ng Viva Artists Agency sa kanilang Instagram page ang mga pictures nina Julia at Aga na magkasama para sa naganap na story conference ng upcoming movie nila.
Caption ng Viva sa naturang IG post: “LOOK: @juliabarretto @agamuhlach317 & Director @deniseohara during the story and press conference of Viva Films upcoming movie: Forgetting Canseco.”
Makikita nga sa IG post ng Viva na ang title ng pelikulang pagsasamahan nina Julia at Aga ay Forgetting Canseco at ito ay ididirek ni Denise O’Hara.
For sure, aabangan ng mga tao ang unang tambalan ng dalawa sa big screen. Ngayon pa nga lang ay super excited na ang mga fans nina Julia at Aga na mapanood ang pelikula nila dahil naiibang putahe raw ito.
Ano kaya ang roles ng dalawa? 'Di kaya sila maging mukhang mag-tito sa movie?





Comments