MPBL Invt'l malapit na
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 12, 2021

Isama na ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na pinakabagong kasapi sa hanay ng mga ligang propesyunal sa bansa. Inihayag ng pamunuan ng liga ang malaking balita sa isang face to face media conference noong Martes ng hapon kasabay ng paglunsad ng Chooks To Go MPBL Invitational na magbubukas sa Dis.11.
Ayon sa kasalukuyang patakaran na inilatag ng pamahalaan, tanging ang mga propesyunal na liga sa ilalim ng Games and Amusements Board (GAB) ang pinapayagang magsagawa ng palaro at ito ang pinakapangunahing dahilan sa naging pasya ng liga. Dahil dito, kailangan na kumuha ng lisensiya sa ahensiya ang lahat ng mga manlalaro, opisyal at staff ng MPBL bago makapaglaro sa Invitational.
May naunang 13 koponan ang nagpahiwatig ng kanilang nais na lumahok sa Invitational subalit handa ang MPBL na palaruin ang hanggang 20 koponan sakaling may hahabol pa. Ang mga koponan ay pangungunahan ng Lakan Cup champion Davao Occidental, Laguna, Caloocan, Sarangani, Bicol, Rizal, Nueva Ecija, Imus, Makati, General Santos, Bacolod, Marikina at ang bagong tatag na Negros.
Maglalaro ang mga koponan sa group stage at susundan ito ng knockout playoffs at seryeng best of three para sa kampeonato. Pinagpipilian sa pagitan ng Caloocan Sports Complex, Santa Rosa Sports Complex at Ynares Center-Antipolo ang magiging lugar ng mga laro.





Comments