ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | July 23, 2024
Sa kanyang thank you speech sa nakaraang 40th PMPC Star Awards for Movies ay nabanggit ng Mentorque president at CEO na si Bryan Dy nang tanggapin niya ang Movie of the Year trophy para sa Mallari na hindi naging madali ang pagpasok niya sa industriya.
Aniya, “Hindi naging madali ang paglalakbay papunta rito lalo na sa baguhang katulad ko, maraming mapanlinlang, maraming mapang-abuso (tawanan ang lahat ng nasa audience). Marami rin po akong natutunan at marami pa akong gustong matutunan, pero ang gabing ito po ay maraming salamat sa mga taong nagpupuyat, nagpapagod at higit sa lahat, nagbibigay ng kanilang buong puso para maisakatuparan ang kanilang mga pelikula. Palakpakan po natin sila.
“Lahat ng parangal na tinatamasa namin ngayon ay icing on the cake lamang para sa suporta at ipinamalas lalo ng manonood ang pagtangkilik sa aming pelikulang Mallari. Today, I think we can be more proud that Mallari is one of the most awarded horror film if not the most awarded horror film in Philippine Cinema.
“I hope masuportahan po ninyo ang mga susunod na exciting na proyekto ng Mentorque Productions. Maraming-maraming salamat sa PMPC, isa po itong inspirasyon para mas magpatuloy pa po kami sa paglikha ng magagandang pelikula. Mabuhay po ang pelikulang Pilipino. Mabuhay po ang bansang Pilipinas. Maraming-maraming salamat po.”
Ito ang ikatlong award na nakamit ng Mallari bilang Best Picture. Nauna ang 2023 Metro Manila Film Festival para sa ikatlong puwesto, 2024 FAMAS at PMPC 40th Star
Awards for Movies.
Ang iba pang natanggap ng Mallari bukod sa Best Picture ay ang mga sumusunod:
Best Movie Sound Engineer - Immanuel Verona & Fatima Nerikka Salim
Best Theme Song - Pag ibig Na Sumpa, isinulat ng singer/songwriter na si Quest at kinanta ni JK Labajo.
Movie Editor of the Year - Noah Tonga
Best Supporting Actor - JC Santos
Movie Ensemble Acting of the Year - The cast of Mallari
Best Director - Derrick Cabrido
Si Bryan ang tumanggap ng tropeo nina Quest at Direk Derrick.
Bahagi pa ng pasasalamat ni Bryan, “Lagi pong sinasabi sa ‘kin na hardwork, smartwork and gift of grace, maraming-maraming salamat po Panginoon sa award na ito, to PMPC, to our friends and family, ‘Nay Omar (Sortijas) maraming-maraming salamat, Direk Derrick Cabrido, maraming salamat at kay Enrico Santos, maraming salamat.
“Sa lahat ng cast and crew, Mr. Piolo Pascual, alam ko, sobrang busy mo na nagtatrabaho ngayon, maraming-maraming salamat sa pag-accept ng role bilang Juan Severino Mallari. At pinakamahalaga po sa lahat, sa aking mga boss lalo na po sa nag-iisang Star for All Seasons, Ms. Vilma Santos-Recto sa paggabay, pagkalinga at suporta sa patuloy na pagmamahal.”
Kung dati ay nag-e-enjoy si Bryan na makita ang mga tropeo ng Star for All Seasons sa tuwing mananalo ito, ngayon daw, “Itong trophy na ‘to ay kagaya ng FAMAS, na nu’ng nakaraan ay nakita ko lamang sa silid ng mga tropeo ng nag-iisang Vilma Santos-Recto. Hindi ko po akalain ngayon na may hahawakan din kaming PMPC Star Awards trophy. Salamat sa lahat ng naniwala at salamat sa lahat ng nagtiwala sa pelikulang Mallari.”
BLIND ITEM:
SANA ay hindi mauwi sa hiwalayan ang magdyowang nangako sa isa’t isa na anuman ang mangyari ay hindi sila bibitaw.
Parang perfect naman na ang relasyon ng magdyowa dahil halos lahat ng likes at dislikes nila ay nagkakapareho, kaya sabi nga ng mga taong nakapaligid ay ‘baka sila talaga ang pinagtagpo.’
Marami na rin kasing naging dyowa si aktres, pero nauuwi sa hiwalayan at si aktor naman ay iilan lang dahil choosy.
Oo nga naman, bilang bachelor ng kanyang henerasyon ay kailangan niyang maging mapili lalo na rin sa estado niya ngayon.
Ang kaso, parang may agam-agam ang aktres ngayon sa dyowang aktor dahil parati nitong kausap ang isang influential person at may hiniling sa kanya na kayang-kaya namang pagbigyan at mukhang positibo naman.
May negosyo kasing pinag-uusapan, bagay na hindi naman kasama si aktres kaya siguro naiirita, ha, ha, ha!
Pero sana, magtiwala si aktres sa dyowang aktor dahil sobra siya nitong love at anumang negosyo ang pasukin o pinasok nito ay para ito sa future nila.
BINABATI namin ang aming forever ‘Nanay’ sa larangan ng pagsusulat, si ‘Nay Cristy Fermin ng maligayang kaarawan ngayong araw. Wish namin ay good health at peace of mind at lagi po kayong mag-iingat.
Comments