top of page

Movie, kumita ng P1.6 B… KATHRYN AT ALDEN, PASOK SA BOX OFFICE HEROES NG EDDYS

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 3
  • 4 min read

ni Rohn Romulo @Run Wild | July 3, 2025



Photo: Alden at Kath para sa Hello Love Again - The Eddys



Handa na ang spotlight sa mga bituin na nagpatunay sa kanilang box-office dominance noong 2024.


Muling pararangalan sina Kathryn Bernardo at Alden Richards sa 8th Entertainment Editors’ Choice (The EDDYS) bilang “Box Office Heroes” dahil sa reunion film nila na Hello, Love, Again (HLA) na gumawa ng kasaysayan nang kumita ng P1.6 bilyon sa buong mundo. Hawak na ng sequel ng 2019 hit na HLA ang record na Highest-Grossing Filipino Film of All Time.


Matatandaan na sa 7th EDDYS last year, sa unang taon ng Box Office Hero Award, kasama sina Kathryn (A Very Good Girl) at Alden (Five Breakups and a Romance) sa mga pinarangalan.


Pasok din si Vice Ganda sa list dahil muli niyang ipinakita ang kanyang holiday box-office streak sa And The Breadwinner Is… (ATBWI), na kumita naman ng P460 milyon.


Nagpakita rin ng lakas sa takilya ang balik-tambalan nina Julia Barretto at Joshua Garcia sa kanilang hit romance na Un/Happy for You (UFY), na lumampas sa P450 milyon ang kinita sa buong mundo. 


Dagdag pa sa listahan ng Box Office Heroes ay ang mga beterano sa industriya na si Vic Sotto para sa The Kingdom (TK) kasama si Piolo Pascual, na pinarangalan din last year para sa tagumpay ng Mallari.


Panghuli, kasama rin sina Dennis Trillo at Ruru Madrid para naman sa Green Bones (GB), ang multi-awarded movie, na nakakuha ng pinakamaraming nominasyon sa 8th EDDYS. 


Sa ikalawang taon, kinikilala ng Box Office Hero ang mga aktor na ang mga pelikula ay nakakamit ng malaking kita at epekto sa kultura, na nagpapatibay sa kanilang katayuan bilang mga haligi ng entertainment industry sa Pilipinas.


At sa 9 na tatanggap ng Box Office Hero, 3 ang pasok sa listahan ng mga nominado sa pagka-Best Actor. Maglalaban-laban sina Alden, Dennis at Vice Ganda, samantalang si Ruru ay mapalad ding napasama bilang Best Supporting Actor nominee.


Sinu-sino kaya sa kanila ang magkakapag-uwi ng dalawang tropeo, tulad ng nangyari kay Julia Montes, na nagwaging Best Actress at kasama rin sa Box Office Hero?


Ang gabi ng parangal ay nakatakda sa Hulyo 20 sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Pasay City. At ang delayed telecast ang ipapalabas sa Kapamilya Channel at Jeepney TV, habang ang iWant ay mag-i-stream ng programa para sa international viewers simula Hulyo 27.


Ang 8th Eddys ay ihahatid ng Playtime PH sa pakikipagtulungan sa Newport World Resorts at ABS-CBN. Ang mga co-presenters ay Globe at Unilab.  Ito ay suportado ni Senator Camille Villar, Beautederm Corporation, Luxxe White, Puregold CinePanaloFilm Festival, Kat Corpus at My Daily Collagen, na may co-production ng Brightlight Entertainment sa ilalim ng Pat-P Daza at direksiyon ni Eric Quizon.


Ang Eddys ay inoorganisa taun-taon ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd), isang non-profit na organisasyon na binubuo ng nakaraan at kasalukuyang mga entertainment editors mula sa mga pambansang broadsheet, nangungunang tabloids, at online portals.


Para sa karagdagang impormasyon, sundan ang The Eddys sa Facebook (FB) sa The Eddys (The Entertainment Editors’ Choice).



HIYANG-HIYA si Melai Cantiveros sa dating Sexbomb Girls na sina Rochelle Pangilinan, Jopay Paguia-Zamora, Sunshine Garcia-Castro at Cheche Tolentino ng Artist Circle. 

Inamin ito ni Melai sa launching ng Surf2Sawa (S2S) Prepaid Fiber Internet powered by Converge na ipinakilala sila bilang newest celebrity endorsers.


Ginanap ito sa Quirino Elementary School at ini-reveal nga sila bilang members ng ‘MamaMo,’ ang All-MAMA P-pop girl group ng S2S. 


Natanong sina Rochelle kung ano ang pakiramdam na katrabaho ang isang Kapamilya na tulad ni Melai.


“Ibang klase dahil napakabait ni Melai at napaka-generous,” pahayag ni Rochelle.

Aniya, “Ilang araw lang kaming nag-shoot, nakilala na namin s’ya agad. Naririnig ko palagi ang pangalan n’ya kay Jolina (Magdangal), na kaibigan ko, kumare at kasama rin sa PPL Management.


“Ang sabi ni Jolens, sobrang bait ni Melai at napatunayan namin ‘yan nang mag-shoot kami nang dalawang araw.”


Reaksiyon naman ni Melai sa sinabi ni Rochelle, “Sobrang bait din ng Sexbomb, grabe talaga at very professional.


“Pero grabe ang takot ko, kasi nga nanghingi ako ng sorry sa kanila, na patawarin nila ako na nasa gitna ako, dahil hindi naman basta-basta ang Sexbomb.


“Hindi ko nga alam kung ano ang nakain ng Surf2Sawa ba’t ginawa nila ‘yun.”

Dagdag pa niya, “Kasi s’yempre, bilang sila ang mga idol natin sa pagdating sa sayawan, mga OG sa sayaw, mahihiya ka talaga. Sino ba ako, bakit nila ako ipagitna? Pero grabe sila, sabi nila, ‘Ano ka ba? Walang problema.’


“Si Ate Jopay, si Ate Sunshine na nakasama ko sa Banana Split, sobrang bait talaga n’ya. Ngayon naman si Ms. Rochelle at s’yempre si Ate Cheche na matagal ko nang kasama sa Surf2Sawa.”


Aminado naman sina Rochelle, Sunshine, Jopay at Melai, na may maliliit na anak, na nililimitahan nila ang paggamit ng internet para mag-surf o kaya’y manood.


Ayon pa kay Melai, “Four pesos lang a day, unlimited surf na ‘yun. Tapos ang Surf2Sawa ay nag-iikot sa buong bansa, para mamigay sa 3  bahay, libre ang 1 year internet.”


Samantala, nasa planning stage pa rin ang reunion concert ng Sex Bomb Girls, na kung magtutuluy-tuloy ay baka bago matapos ang taon.


Posible kaya na maging guest nila ang sikat na P-pop girl group na BINI?

Tiyak na pasabog ito, kapag nagkatotoo!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page