JULIANA, KINASUHAN NG CYBER-LIBEL NG PRODUCER NG KATIPS
- BULGAR
- Sep 9, 2022
- 4 min read
ni Julie Bonifacio - @Winner | September 9, 2022

Sasampahan ng kasong cyber-libel si Juliana Parizcova ng producer ng Katips na pinagbidahan at idinirek ng abogadong si Vince Tañada.
Inireklamo ng isa sa mga producers at abogado rin na producer ng Katips si Juliana dahil diumano sa pagkuwestiyon at pagbibigay-malisya sa pagkakapanalo ng nabanggit na pelikula sa nakaraang FAMAS Awards.
“Ang magpa-file kasi ng kaso noon ay ‘yung isa naming producer na producer din namin dito sa Katips na abogado ‘yun, eh. Medyo nasaktan sila dahil libelous nga raw ‘yung sinabi ni Juliana Parizcova kaya sila ang magdedemanda. Hinihintay na lang natin, ang alam ko, nai-file na ‘yun sa piskalya. So, parang bibigyan na lang ng kopya ng complaint affidavit yata. So, ‘yun ang hinihintay,” pahayag ni Atty. Vince sa ginanap na presscon para sa world tour ng Katips.
Alegasyon ni Juliana, kaya raw nanalo si Atty. Vince ng Best Actor at Best Director sa FAMAS ay dahil siya rin ang nagdirek ng awards night nito at the same time.
“Well, siyempre, nagdirek ako ng online FAMAS nu’ng 2021, ‘no? Siyempre, kinuha ang aking serbisyo. Alam n'yo naman na ako’y live show director. Hindi talaga ako movie director. Live show director ako. Marami akong naidirek na mga awards night, hindi lang FAMAS. Marami na, ‘no? Aliw Awards at kung anu-ano pa. Uh, Golden Wheel awards at kung anu-ano pa,” paglilinaw ni Atty. Vince.
Kinuha raw ng FAMAS ang kanyang serbisyo noong nakaraang taon at ‘di nitong kamakailan kung saan nanalo siya ng mga awards.
“Pero wala pa akong pelikula noon. Ni hinagap na gagawa ako ng pelikula that time, wala. March of 2021, wala pa. So, nu’ng gumawa naman ako ng pelikula, hindi naman ako ang kinuha ng FAMAS. So, wala namang problema.
“Kapag ba si Piolo (Pascual), kinuha ng FAMAS, hindi na ba siya puwedeng manalo ng Best Actor sa mga susunod? O kaya naman, si Regine (Velasquez), kinuhang singer ng FAMAS, hindi na siya puwedeng makuhang Best Actress?
“Hindi naman ganu'n. Siyempre, our services was procured at tayo ay binayaran naman doon. Trabaho ko ‘yun at hindi ko naman puwedeng tanggihan. Kaya tinanggap ko naman ‘yun.”
Pero marami raw ang naniniwala sa ginawa at ikinalat ni Juliana na si Atty. Vince ang director nu’ng back-to-back na masungkit niya ang dalawang major categories sa nakaraang FAMAS awards night.
“Kasi nga, ang ginawa ni Juliana, in-splice niya ‘yung video nu’ng 2021 FAMAS. Kinuha niya ‘yung credit noon at nakitang ako ang director. Malisyoso ‘yung kanyang ginawa, ‘no? ‘Yun ay talagang krimen. Kasi alam naman natin that libel is a malicious imputation of a crime. ‘Yung kanyang ginawa ay isang malisyosong pag-atake para naman umatake ang kanya pang mga tagasuporta.
“So, ‘yun ay kanyang pinag-isipan at ‘yun ay nag-cause ng damage sa part ng Katips. Kasi inakala ng lahat na ako ang nagdirek at ako rin ang nanalo. So, ‘yun ang kailangang linawin.
At hindi naman niya ‘yun nilinaw. In fact, ginawa pa niyang malisyoso ‘yung kanyang post. At hindi niya sinabi na ‘yun ay noong nakaraang taon o ‘yun ay ano, ganoon. Pero ang sinabi niya, ‘yun ay ngayon.
“Kaya ‘yun ay dapat sigurong maparusahan. Sabi nga, ako bilang abogado, hindi naman puwedeng palagpasin ang krimen. Kaya nga may karampatang parusa ang paggawa ng krimen kasi this is also a good deterrent for future crimes to be committed. Oh, eh, hindi naman basta sinabing freedom of expression, walang hangganan. Meron din siyempre ‘yan hangganan katulad nga ng nakalagay sa ating criminal law, ‘yung tungkol sa libel law at cyber crime law na dapat ding respetuhin ‘yan.”
Sa pagkakaalam ni Atty. Vince ay nai-file na ang kaso laban kay Juliana sa piskalya last week.
“Yung prosecutor, magpapadala ‘yan siguro ano, bibilang ‘yan ng ilang araw kasi thru registered mail ‘yan ipinapadala ang complaint affidavit, eh. Ngayon, kung kailan niya matatanggap, doon naman siya papatawag at pupunta siya doon para mag-submit ng counter affidavit niya. Ang alam ko, sa Quezon City nai-file.”
Kasama sa kasong isinampa ng producer ng Katips ang reklamo rin ng isa sa lead cast members ng movie na si Johnrey Rivas na kinuwestiyon din ni Juliana sa pagkakapanalo bilang Best Supporting Actor.
“Isinama-sama na po,” sabi ni Johnrey.
Ayon naman kay Atty. Vince, “Tapos, ang sinabi ko rin kay Atty. Roni (producer ng Katips), ‘Why don’t you ask FAMAS also?’ Kasi, baka sila rin ay aggrieved party. Kasi siniraan sila na hindi credible ang kanilang award-giving body. Sabi ko, kausapin din. I was able to talk to the president of FAMAS and she said, she will think about it.”
When asked kung lumapit si Juliana kay Atty. Vince at humingi ng sorry, mabilis na ‘oo’ ang tugon niya. Kaso, hindi naman daw siya ang direktang nasaktan.
Anyway, nakatakdang umalis sa darating na Linggo (September 11) si Atty. Vince kasama ang ilan sa cast members ng Katips para sa world tour ng movie. Mauuna muna ipalabas ang Katips sa mga bansa sa Middle East. Iniwasan kasi muna ni Atty. Vince ang mga bansang nagre-require ng quarantine dahil nasasayangan siya sa panahon.
Samantala, nagbigay ng mensahe si Atty. Vince sa gagawin nilang world tour for Katips.
“Napakahalagang pagkakataon ito kasi bihira naman na ang isang pelikula ay magkaroon ng world tour. At ang dami, at ito ay unang pelikula ko pa lang. Sabi ko nga, napakasuwerte ko dahil unang pelikula ko, nagkaroon ng award at meron pang world tour. Maraming bonus, puro firsts ko na aking na-experience. Malayo na ang narating ng movie, literal ‘yun."





Comments