Mount Piapayungan, sinilo ang Maiden Race
- BULGAR
- Aug 7, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | August 07, 2023
Humarurot ang Mount Piapayungan para masilo ang panalo sa 2023 PHILRACOM 3-Year-Old & Above Maiden Race na pinasibat sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City sa Batangas noong Sabado ng hapon.
Nakipagtagisan ng bilis ang Mount Piapayungan sa largahan kontra Keep The Jade at Time Traveller at nagkapanabayan silang tatlo hanggang far turn.
Hindi halos mapaghiwalay ang tatlong nabanggit na kabayo sa unahan, nagpatuloy ang bakbakan subalit pagsungaw ng rekta ay naagaw na ng Mount Piapayungan ang unahan at lumamang ito ng isang kabayo.
Pagdating ng huling 150 metro ng karera ay nasa tatlong kabayo na ang agwat ng Mount Piapayungan kaya naman tinawid nito ang meta ng walang kahirap-hirap.
Nanalo ang Mount Piapayungan ng may walong kabayo ang bentahe sa pumangalawang Humble Dtrike habang tersero ang Time Traveller.
Nirendahan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate ang Mount Piapayungan na inilista ang tiyempong 1:00.2 minuto sa 1,000 meter race.
Nasilo ng winning horse owner na si PKT Yu ang P20,000 added prize sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Ihahanda ang Mount Piapayungan ng kanyang trainer at hinete para sa susunod nitong sasalihang karera.
Samantala, walong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Sabado kaya mahaba-haba ang paglilibang ng mga karerista.





Comments