Monument, nagwagi sa Rating Based Handicapping
- BULGAR
- Jan 23, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | January 23, 2023
Walang kahirap-hirap na sinikwat ni second choice favorite Monument ang panalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas, kahapon.
Nagmasid sa pang-apat na puwesto sa largahan si Monument habang nasa unahan sina Galloping Ghost at Hunky Dory.
Pero pagsapit ng far turn ay lumapit na ito kay Galloping Ghost at pagdating ng huling kurbada ay kuha na niya ang unahan.
Nagpatuloy ang pag-usad ni Monument sa rektahan kaya nagwagi ito ng may apat na kabayo ang agwat sa pumangalawang Tons Of Gold na siyang naliyamado sa laban.
"Ang galing ni Monument, parang siya ang liyamado sa laban, kampante lang sa pagdadala si Jomer (Estorque)," saad ni Jonathan De Jesus, veteran karerista na taga-Tondo, Manila.
Nirendahan ni jockey Jomer Estorque, inirehistro ni Monument ang tiyempong 1:26.2 minuto sa 1,400 meter race, sapat upang hamigin ng winning horse onwer na si Leonardo Javier ang P10,000 karagdagang premyo.
Dumating na tersero si Super Cong habang pumang-apat si Hunky Dory sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De leon.
Dehado rin ang nanalo sa pangalawang karera, ito'y si Success Of Times sa isa pang PHILRACOM-RBHS.
Sinakyan din ni Estorque si Success Of Times. Samantala, 10 races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kahapon ng Linggo kaya masaya ang mga karerista sa kanilang paglilibang.





Comments