Mommy Caring kikilatisin
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | November 28, 2021
Mapapalaban na naman ng todo si Mommy Caring paglahok nito sa 2021 PHILRACOM Lakambini Stakes Race na ikakasa ngayong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Gagabayan ni Lester F De Jesus, impresibo ang panalo si Mommy Caring sa kanyang huling stakes race na sinalihan matapos kuminang sa PHILRACOM-Philippine Sportswriters Association (PSA) Stakes Race noong Oktubre.
Makikilatis si Mommy Caring laban sa pito pang kalahok sa event na inisponsoran ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM). May P2M guaranteed prize, ang mga makakatagisan ng bilis ni Mommy Caring ay sina O Sole Mio, Kevlar, Flattering You, Isla Puting Bato, La Liga Filipina, Shanghai Silk at All Too Easy.
Ayon sa ibang mga karerista, posibleng magbigay ng matinding laban kay Mommy Caring ay sina Kevlar at La Liga Filipina. "Kay Mommy Caring ako dyan, lalong gumagaling," saad ni Carlo Manabat.
Anak nina Striding Ahead at On A Mission, puntirya ni Mommy Caring na sungkitin ang premyong P1.2M, nakalaan ang P400,000 sa pangalawang kabayong tatawid sa meta habang tig-P200,000 at P100,000 ang third at fourth placers ayon sa pagkakasunod.
Kukubrahin din ng fifth at sixth ang P60,000 at P40,000 habang P100,000 ang mapupunta sa breeder ng winning horse.
Samantala, tiyak din na masisiyahan ang mga karerista sa bakbakan ng mga bagitong kabayo sa PHILRACOM-Klub Don Juan De Manila 2-Year-Old Juvenile Stakes race na ilalarga sa pang-apat na karera.
Posibleng maging liyamado sa laban sina Hee Nieve Rahh at magka-kuwadrang Speed Fantasy at Declare For Flare sa distansyang 1,400 meter race.
Nakalaan ang P180,000 sa mananalong kabayo, ang ibang kalahok ay sina Eochirunran, Victoriousprincess at Ballet Champion. Hahamigin ng second placer ang P67,500 habang tig- P37,500 at P15,000 sa third at fourth ayon sa pagkakasunod.





Comments