Modus sa Kapaskuhan tuloy kahit may pandemya, dapat todo-ingat!
- BULGAR

- Dec 9, 2020
- 2 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 9, 2020
Nagpakalat na ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ng maraming operatiba sa mga pamilihan at matataong lugar para ipatupad ang umiiral na physical distancing upang hindi na muling lumobo ang kaso ng COVID-19.
Higit sa lahat ay bigyang-proteksiyon ang ating mga kababayan hinggil sa muling pagbabalik ng iba’t ibang klase ng modus-operandi na karaniwang nagiging aktibo tuwing papalapit ang araw ng Pasko.
Ayon sa datos ng Philippine National Police (PNP) dalawang okasyon sa loob ng isang taon ang ramdam na ramdam ang pagtaas ng krimen, ito ay ang panahon ng enrollment at panahon ng Kapaskuhan.
Kaya’t pandemya man o hindi, tiyak na nariyan pa rin ang mga masasamang-loob na pilit na lang ginagawang dahilan ang sitwasyon at kahirapan para i-justify ang kanilang panlalamang sa kapwa.
Alalahanin nating hindi tataas ang krimen kung lahat tayo ay mag-iingat at hindi bibigyan ng pagkakataon ang masasamang-loob na tayo ay maging biktima ng kanilang katamarang magtrabaho.
Palagi sana nating isipin na wala namang bagong modus o estilo nang pangungulimbat ang mga kawatan dahil paulit-ulit lang naman ang mga ito ngunit ang biktima ay palaging nand’yan dahil sa kapabayaan.
Karamihan sa mga nagiging biktima ay dahil sa sobrang tiwala sa kapwa, kawalan ng kaalaman sa mga estilo ng kawatan at ang pinakamalala sa lahat ay ang pagpaapiral ng kapalpakan.
Karaniwang naglipana sa panahon ng Kapaskuhan ay ang mga nagpapakalat ng pekeng isang libo o limang daang pisong papel na ang madalas biktima ay mga pamilihan, tindero ng balot at mga masahista sa mga SPA dahil madilim.
Tiyak na tataas din ang insidente ng snatching at robbery holdup lalo pa at uso na ang riding-in-tandem na gumagawa ng mga krimen at walang pakialam kahit masaktan ang biktima maisagawa lang ang pagnanakaw.
Lalo ngayong may pandemya, inaasahan ang pagdagsa ng mga namamalimos, may dayo mula sa iba’t ibang probinsiya at may peke na karaniwan ay miyembro ng sindikato na nagrerenta ng sanggol para mamalimos.
Kahit ang lumang-luma ng Budol-Budol Gang ay umaatake rin dahil marami pa ring kasambahay ang napapaniwala nila na ang kanilang amo ay kailangan ng pera dahil naaksidente, ang inosenteng kasambahay ay ibibigay lahat ng puwedeng ibigay, ‘yun pala ay modus lamang.
Ang popular na Salisi Gang, kahit hindi Pasko nakakalat ang mga ‘yan at karaniwan silang umaatake sa mga shopping mall, restaurant o food court at binubuo ‘yan ng tatlo hanggang lima katao o mas marami pa.
Paborito ng mga kawatan ang mga masisikip na lugar tulad ng Baclaran at Divisoria o kahit simbahan pa basta siksikan ang mga tao ay tiyak na naglipana diyan ang mga mandurukot kaya dapat alerto.
Hindi na nga katulad ng dati ang mga kasiyahan sa pagdiriwang Pasko dahil sa pandemyang ito, baka lalo pang mapasama kung mabibiktima pa tayo ng mga kolokoy na ito.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments