Modular learning, online classes, radio-based instructions, sagot sa nawalang araw ng klase
- BULGAR

- Jul 26
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 26, 2025

Sa tuwing may bagyo, baha, o sakuna, laging ang mga estudyante ang tahimik na naapektuhan. Hindi sila nababasa ng ulan, pero nagiging kalbaryo ang pagkaantala sa pagkatuto. At habang panay ang kanselasyon ng klase, sunud-sunod din ang nalulustay na araw ng kanilang edukasyon — na hindi basta na lang puwedeng palampasin.
Kaya tamang kumilos si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para hanapan ng alternatibong paraan ng pagtuturo ang ating mga kabataan.
Sa naganap na situation briefing ng NDRRMC kamakailan, binigyang-diin ng Pangulo na hindi dapat na puro class suspension lang ang solusyon sa tuwing may unos. Dapat din aniyang may kasunod na sistema para mapunan ang pagkakabawas sa mga oras ng klase.
Mula sa mga Bagyong Crising, Dante, Emong hanggang sa habagat — ilang araw ding walang pasok ang mga mag-aaral. At sa bawat araw ng pagkansela, may natutuyo o nasasayang na pagkakataon na sana’y napunla sa kanilang kaalaman.
Totoong mas mahalaga ang kaligtasan, pero hindi ito nangangahulugang ipagpalit ang kalidad ng edukasyon.
Bilang tugon, tiniyak naman ng Department of Education (DepEd) na maglalatag sila ng mga alternatibong sistema ng pagkatuto — gaya ng modular learning, online classes, radio-based instructions, at iba pang teaching modes. Mabuting hakbang ito, pero hindi sapat na laging reactive ang sistema. Kailangan ng mas matibay, long-term plan para maging resilient ang edukasyon kahit magkaroon ng sakuna.
Kung susuriin, hindi puwedeng puro cancelled ang status ng edukasyon sa tuwing may ulan, kalamidad at iba pa, habang ang usapin hinggil sa pagkatuto ng mga kabataan ay hindi dapat isinasaisantabi.
Totoong ang kanilang kaligtasan ay dapat na isaalang-alang, subalit napakahalaga rin ng kanilang kinabukasan. Kung walang continuity sa pag-aaral, ang epekto nito ay mas lalala pa gaya ng resulta ng baha.
Kung may evacuation plan para sa mga sakuna o kalamidad, dapat meron ding education continuity plan na hindi nauudlot. Huwag sanang nasasakripisyo ang pag-aaral sa tuwing may bagyo. At hindi nakabubuting solusyon ang puro kanselasyon ng klase — mas mainam ang adaptasyon. Edukasyon o kaalaman pa rin ang pinakamabisang sandata sa pagbangon sa gitna o pagkatapos man ng kalamidad.
Isipin lagi sana natin na pahalagahan ang edukasyon kahit sa ganitong panahon. Hindi lang relief goods, ayuda ang kailangang dumating, kundi pati learning materials para sa mga mag-aaral. Dahil ang tunay na pag-asa ng bayan ay dapat matuto, lumago, at magpatuloy sa kabila ng mga unos.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments