Mobile internet sa bansa, mas bumilis na?
- BULGAR
- Jul 12, 2021
- 4 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 12, 2021
Dahil sa sobrang dami nang kinahaharap na problema ng bansa hinggil sa kasalukuyang pandemya ay hindi na natin namalayan na ngayong Hulyo 26, araw ng Lunes ay isasagawa na ang pang-anim at pinakahuling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Naalala natin ito dahil noong nakaraang Miyerkules ay nagsagawa ng webinar sa Senado hinggil sa “Open Access in Data Transmission Act” na inorganisa ng Senate Economic Planning Office at dito ay isa sa mga lumutang na katanungan ay kung totoong bumubuti na ba ang internet connection sa bansa.
Bilang isa sa may akda ng Open Access in Data Transmission Act ay malaking bagay sa akin at sa maraming Pilipino ang nalalapit na SONA dahil posibleng muling talakayin ng Pangulo ang hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin maayos na kalagayan ng ating telcos sa bansa.
Tulad ng dapat asahan ay limitado lamang ang maaaring dumalo dahil sa COVID-19 pandemic at mismong ang Presidential Security Group (PSG) ang humiling na hindi nila nais na mapuno ng bisita ang plenary hall upang hindi maging mahirap ang pagpapatupad ng seguridad.
Hindi pa inilalabas ang opisyal na talaan ng mga papayagang dumalo ngunit tinatayang nasa 30 katao lamang ang papayagang dumalo mula sa Senado, kabilang na ang Secretariat sa gaganaping SONA sa Batasang Pambansa sa Quezon City.
Noong nakaraang taon ay napakalaki nang ipinagbago ng nakasanayan nating SONA dahil sa pandemya kabilang na ang dati-rati ay napakahabang pagdating ng mga VIP guests na naglalakad pa sa red carpet sa North at South entrances ng House of Representatives plenary na suot ang napakamamahalin nilang designer wear.
Maging ang mga kapatid natin sa media ay hindi pinayagang makapasok sa loob ng Batasan at kinailangan na lamang nilang mag-tap sa broadcast feed ng state-run Radio Television ng Palasyo para sa kanilang coverage.
Isa sa mga tumatak sa alaala ng maraming Pilipino ang binitawang banta ng Pangulo hinggil sa palpak na serbisyo ng dalawang telecommunications company (telcos) sa ating bansa na kailangan umanong pagbutihin ang serbisyo kung hindi nila nais na ang pamahalaan na ang magpatakbo ng mga telcos na ito.
Hanggang Disyembre lamang noong nakaraang taon ang ibinigay na ultimatum ng Pangulo sa telcos, ngunit hanggang sa kasalukuyan ay puro reklamo pa rin at hinaing ng marami ang ating naririnig partikular ang mga estudyante at mga guro na kasalukuyang nagsasagawa ng online learning.
Dahil malapit na ang susunod na SONA ay nagpalabas ng press release ang dalawang telcos sa bansa upang paniwalain ang sambayanan na malaki na umano ang iginanda ng serbisyo ng internet sa bansa.
Kung paniniwalaan natin ang ginamit nilang datos na ginawa nilang basehan mula sa ulat ng Ookla Speedtest Global Index ay lumalabas na ang internet average download speed sa Pilipinas ay patuloy na umanong bumibilis.
Ang kanilang fixed broadband speed ay tumaas umano sa 66.55Mbps noong nakaraang Hunyo kumpara sa 58.73Mbps noong nagdaang Mayo 2021 at kumakatawan umano ito sa month-to-month improvement na 13.32% para sa fixed broadband.
Ayon pa sa kanilang press release ay nagpapakita rin umano ito ng 741.34% na improvement sa bilis ng internet service sa bansa mula nang mag-umpisa ang panunungkulan ni Pangulong Duterte noong Hulyo 2016.
Bumilis din umano ang mobile internet noong buwan ng Hunyo kung saan naitala ang average download speed na 32.84Mbps mula sa 31.97Mbps noong nakaraang Mayo at muli ang nasabing download speed ay kumakatawan sa month-to-month improvement na 2.72% para sa mobile internet.
Napakagandang basahin na katumbas umano ito ng speed improvement na 341.40% mula nang magsimula ang Duterte administration noong Hulyo 2016.
Ito ang kanilang naging tugon sa napakalaking suporta na ibinigay sa kanila ng pamahalan upang mapadali ang pagkuha ng lahat ng kakailanganing dokumento para sa pagtatayo ng tower ng mga telcos.
Ngayon, gamit ang advertisement sa telebisyon ay buong giting nilang ipinagmamalaki ang napakaraming cellular towers na kanilang itinayo at kabi-kabila umano ang kanilang inilatag na fiber optic network kaya umano bumilis ang serbisyo ng internet sa bansa.
Ngunit ang makabagong offer ng ilang telcos ay hindi naman libre o karagdagang serbisyo lamang sa palpak nilang serbisyo dahil sa kailangan na namang magbayad ng panibago ang nais makaranas ng sinasabi nilang fiber optic.
Ang katotohanan, hanggang ngayon ay hindi pa rin talaga maaasahan ang internet connections sa ating bansa, partikular sa mga lalawigan at dulong bayan at napakarami ng mga may cellphone pero hindi nila mapakinabangan sa kanilang lugar.
Hanggang sa kasalukuyan ay marami pa ring grupo ng kabataan at guro ang kailangan pang umakyat ng kabundukan para makasagap ng kahit kapirasong signal dahil kailangan nila sa isinasawang online learning.
Kung babasahin natin ang inilabas na press release ng mga telcos na ito ay kitang-kita ang sinasabi nilang pagbuti ng serbisyo ng internet sa bansa ngunit hindi ‘yan ang kailangan ng sambayan kung hindi ang totoong serbisyo na kahit saan sila magtungo ay dapat may signal.
Lalo ngayong malapit na ang eleksiyon at may balitang hindi na muna papayagan ang face-to-face campaign dahil sa pandemya, kaya dapat higit na maaasahan ang serbisyo ng internet na ginagamit na rin ng halos lahat ng radyo at telebisyon sa bansa.
Ngayon kung ang sinasabi ng mga telcos na pagbuti ng kanilang serbisyo ay base lamang sa inilabas nilang detalye ay isa itong malaking panlilinlang dahil hindi naman ito maramdaman ng ating mga kababayan sa totoong buhay!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com








Comments