top of page

Mobile app, para sa mas mabilis na pagresponde sa kalamidad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 24, 2024
  • 3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 24, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Nakatutuwa ang naging hakbangin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mapadali ang pagresponde sa kalamidad dahil isang mobile application ang kanilang dine-develop para sa eksakto at real time disaster incident reporting. 


Ipinakilala ng Disaster Response Management Group (DRMG) ang Advanced Data Gathering for Assistance Preparedness for Protection (AGAPP), isang innovative tool na naglalayong magbigay ng real-time situation reports sa panahon ng kalamidad. 


Mahalaga nga naman na bukod sa plano ay kailangang maging very specific sa lahat ng datos — dahil ito lamang ang paraan upang matugunan nang tama ang nangangailangan nating mga kababayan. 


Mabuti ang ganitong inisyatibo dahil ipinakikita nito na nag-iisip ang mga ahensya para mapagaan ang sitwasyon sa tuwing may dumarating na calamity. Lalo pa at pinaghahandaan na rin natin ang tag-ulan. 


At ang isa sa paraan ay matiyak ang datos sa bawat lugar — halimbawa sa mga evacuation center, dapat ay matukoy kung ilan ang nagdadalang-tao o mga kababayan nating may kapansanan upang mas mapabilis ang pagbibigay ng tulong. 


Sa pamamagitan ng inihahandang software ng DSWD, hindi lamang matutukoy ang bilang ng mga kababayan na nasa evacuation center kundi magagamit at makapagreresponde pa nang maayos sa kanila. 


Nabatid na ang advanced data gathering application ng AGAPP ay nagbibigay ng malinaw na data, image capturing, geotagging para sa mas mabilis na communication process. 


Ang Disaster Response Command Center (DRCC) naman na nasa Central Office ay mas lumawak pa dahil sa Mobile Command Centers (MCC). At kung gumagana na ang mga gadget sa mga field worker ay madali nang maibabato ang mga detalye mula sa mismong pinangyarihan ng kalamidad, direkta patungo sa Central Office at sa mismong oras. 


Mas mabilis ito habang pati datos ay maibabato nang tama. Ang DRCC na inilunsad kamakailan, ang siyang magiging central hub para sa disaster monitoring, reporting, at coordination sa paghahanda at mabilis na pagresponde sa panahon ng kalamidad. 


Bukod naman sa DRCC ay umarangkada na rin ang mga MCC at idineploy ito sa 14 DSWD regional offices. 


Ang nasabing MCC ay naglalaman ng state-of-the-art Information and Communications Technology (ICT) equipment na magbibigay ng real-time coordination and communication information sa national at local government agencies. Gayundin, ang MCC ay mayroong free WiFi at internet connectivity, at free charging para sa mga mobile phone sa mga disaster-hit areas na walang kuryente. 


Maganda talaga ang hakbanging ito ng DSWD at malaking tulong sa atin. Kaya binibigyan natin ito ng pansin upang iparating din sa taumbayan na hindi naman tumitigil sa pag-iisip ang pamahalaan kung paano makatutulong sa mga kababayan. 


Alam n’yo naman ang inyong lingkod, wala tayong ibang hangad kundi ang mapadali ang pagpapaabot ng tulong sa mga kababayan lalo na sa panahon ng mga kalamidad. 


Magiging mas mabilis na ang pagtugon dahil sa pakikipagkoordinasyon sa DSWD, at sana ay masimulan na ito ng naturang ahensya. 


Sana ganito rin mag-isip ang iba pa nating ahensya, hindi ‘yung puro anunsiyo ng problema pero walang inilalatag na solusyon. 


Isa pa sa dapat bigyan ng pagsaludo ay ang bagong upong National Bureau of Investigation (NBI) Director na si Jaime Santiago. Hindi pa man din nag-iinit ang puwit nito bilang hepe ng ahensya ay nasakote na agad ang mga hacker na kinabibilangan ng isang Information Technology (IT) officer mula sa kilalang media organization at dalawang iba pa dahil umano sa pangha-hack sa mga website ng gobyerno, mga Facebook account at mga pribadong kumpanya tulad ng bangko na matagal na nating problema. 


Mga miyembro ng hacking group na Philippine LulzSec at Globalsec ang tatlo na pinamumunuan ni Art Samaniego, IT officer ng pahayagang Manila Bulletin. 


Matagal nang sakit ng ulo ang sindikatong ito dahil kabilang umano sa mga na-hack ng grupo ay ang website ng Philippine Army, Philippine Navy at National Security Agency. 


Alam nating marami pang mareresolbang problema itong si Santiago na hindi masusukat ang dedikasyon pagdating sa trabaho. 


Sana, pamarisan ng iba ang ipinamamalas ng mga ahensyang ito ng pamahalaan at hindi ‘yung tutulog-tulog lang sa pansitan. 


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page