- BULGAR
MMDA, dapat pantay-pantay ang trato sa mga motorista, walang VIP!
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | November 17, 2023
Sirang-sira ang araw ko noong Miyerkules ng umaga nang gisingin ako ng isa sa aking staff ng maagang-maaga gamit ang telepono para lamang sabihing pinuputakte na ako sa social media at iba’t ibang istasyon ng radyo at telebisyon.
Pinagpipistahan na pala ako dahil sa ulat na hinuli raw ako sa paggamit ng EDSA carousel busway na mahigpit na ipinagbabawal at dahil sa senador ako ay tila napakaabusado ng aking dating dahil pinalusot daw ako. Talaga namang magagalit ang publiko sa balitang ito, kaya lang ‘FAKE NEWS’.
Ang hirap maging biktima ng mga ganitong balita na wala namang katotohanan at ito ay dahil lang sa iresponsableng pagganap sa tungkulin ng isang MMDA enforcer na nagbigay ng pahayag kahit hindi niya sigurado ang sinasabi.
Nakakalungkot lang dahil noong nakaraang Martes ay maghapon at magdamag kaming dumalo sa budget hearing sa Senado at inabot kami ng alas-2 na ng madaling-araw kinabukasan -- bale Miyerkules na kaya umaga na akong nakauwi sa amin sa Bacoor.
Ibig sabihin, natulog lang ako at paggising ko ng umaga ng Miyerkules ay ambigat na ng kinakaharap kong problema dahil galit na galit na sa akin ang mga tao na nakaalam ng balita na ako raw ay dumaan ng EDSA busway.
Naalimpungatan ako dahil hindi naman nangyari ang lahat ng ito kasi nga tulog na tulog ako ng panahong ‘yan dahil puyat nga kami sa budget hearing kaya hindi ko maisip kung paano lumaki ang istorya.
‘Yun pala ang salarin ay itong si Metro Manila Development Authority (MMDA) Task Force Special Operations Unit Head Col. Bong Nebrija na siyang pinagmulan ng walang katotohanang kuwento na ayon sa kanya ay hindi naman niya akalaing kakalat sa media.
Kaya heto dahil sa kanya, hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang upak sa akin, pero okay lang dahil hindi naman totoo.
Dahil sa matinding epekto ng balita ay mariin nating itinanggi ang wala namang katotohanang pangyayari nang kapanayamin tayo ng media lalo pa’t napakaiinit ng usapin tungkol sa EDSA busway na halos araw-araw ay may mga nasasakoteng pasaway na government employee at ang iba ay kaanib pa ng Philippine National Police (PNP).
Matatandaan na inanunsyo ng MMDA na itataas na ang multa sa sinumang hindi awtorisadong daraan sa EDSA busway na mahuhuli upang matakot umano ang pasaway na motorista na paulit-ulit sa paglabag.
Nagkasundo na umano ang Metro Manila Council (MMC) at naglabas ng resolusyon na P5,000 ang ipapataw na multa sa first offense; sa second offense ay multang P10,000, isang buwan na suspensyon ng driver’s license, at pagdalo ng road safety seminar.
Nasa P20,000 naman sa third offense, na may kasamang isang taong suspensyon ng driver’s license at P30,000 na penalty naman sa fourth offense, bukod pa sa rekomendasyon ng LTO na i-revoke ang lisensya ng driver.
Noong Nobyembre 13, sinubukan ng MMDA kung epektibo ang pagtataas ng multa sa mga lumalabag na dumaan sa EDSA busway ngunit ang resulta ay mahigit umano sa 300 pasaway na motorista ang nahuli sa bahagi ng Megamall sa Mandaluyong City.
Limang pulis, isang kawani ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at isang empleyado mismo ng MMDA ang kabilang sa mga nahuling pasaway na lahat ay inisyuhan ng violation ticket.
Kaya sobrang tindi ng galit ng tao nang mapabalitang pati tayo ay nagpasaway sa paggamit ng EDSA busway ngunit hindi tayo tinuluyan dahil isa tayong senador.
Nakarating sa tanggapan ng MMDA ang naging reaksyon natin kaya nag-abiso itong si MMDA Chairman Don Artes at kanyang tauhan na si Nebrija na agad namang nagtungo sa Senado noong Miyerkules ng hapon para humingi ng pasensya sa kanilang pagkukulang.
Sa harap ng media ay inamin ni Nebrija ang pagkakamali dahil tawag lamang umano ng isa sa kanyang enforcer ang kanyang natanggap at hindi naman niya personal na nakita na ako ay lulan ng sinasabi nilang sasakyan na dapat ay mahanap sa lalong madaling panahon at makasuhan.
Nagkataon umano na may kasamang media si Nebrija na naulinigan ang naturang tawag kaya kumalat ang balita kahit hindi pa nakukumpirma at nang imbestigahan ay wala palang katotohanan ang tawag kaya maging si MMDA Chairman Artes ay nagtungo sa ating tanggapan at sa harap ng media ay humingi rin ng tawad sa kanilang malaking pagkakamali kasabay ng pagpataw ng suspensyon kay Nebrija.
Sino ba naman tayo para hindi magpatawad, hindi naman dapat madamay ang buong ahensya dahil lang sa pagkakamali ng iilan.
Sa isang banda, kung may magandang ibinunga ang pangyayaring ito ay natuklasan nating may mga lumalabag pala sa EDSA busway na pinatatawad base lang sa desisyon ng nakatalagang opisyal kung tutuluyan o hindi.
Sana pantay-pantay ang maging trato ng MMDA sa lahat ng gumagamit ng lansangan, walang VIP treatment, basta nagkamali ay tiketan at wala sanang palakasan at pakisamahan pagdating sa pagpapatupad ng batas maliban sa mga awtorisado na iilan lang naman.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com