Mitchell, Fox, Adebayo at Rozier, namahiya
- BULGAR

- Feb 9, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 9, 2021

Patuloy ang lipad ng Utah Jazz sa solong liderato ng buong 2020-2021 NBA matapos ipitin ang Indiana Pacers, 103-95, kahapon sa Bankers Life Fieldhouse. Namuno sina Bojan Bogdanovic at Gilas Pilipinas Jordan Clarkson sa mahalagang third quarter kung saan nagsimula umarangkada ang Jazz (19-5) patungo sa kanilang ika-apat na sunod na panalo at hindi na nakaporma ang Pacers (12-12).
Nabitin ng isang rebound si Donovan Mitchell para sana sa triple double at nagtapos na may 27 puntos. Ipinasok ni Clarkson ang anim ng kanyang 17 puntos sa third quarter habang 7 ng kanyang 18 puntos si Bogdanovic.
Binigo ng Sacramento Kings ang balak ng Los Angeles Clippers na makalapit sa Jazz matapos ang 113-110 na panalo. Lamang lang ng isa ang Kings, 109-108, subalit isinalba sila ng dunk ni Richaun Holmes at dalawang free throw ni Buddy Hield para umakyat sa 12-11 habang bumaba ang Clippers sa 17-8.
Nagsabog ng 36 puntos si De’Aaron Fox at sinundan ni Hield na may 22 puntos sa ika-apat na sunod na panalo ng Kings. Muling hindi nakalaro si Paul George ng Clippers ng ikalawang sunod bunga ng maga sa paa.
Sa ibang mga laro, tinunaw ng Phoenix Suns ang Boston Celtics, 100-91, upang makuha ang ika-apat na pwesto sa Western Conference. Pinatid ng Miami Heat ang bisitang New York Knicks, 109-103, sa likod ng mga double-double nina Bam Adebayo na 24 puntos at 11 rebound at Jimmy Butler na 17 puntos.
Pinabagsak ng Charlotte Hornets ang Washington Wizards, 119-97, sa mahusay na ipinakita nina Terry Rozier na may 26 puntos at Gordon Hayward na may 25 puntos.
Samantala, may planong bumalik sa Knicks (11-14) si 2011 MVP Derrick Rose mula sa kulelat na Detroit Pistons (5-18) kapalit ni gwardiya Dennis Smith Jr. Naglaro si Rose sa New York noong 2016-2017 at kung matuloy ang palitan ay magsasama muli sila ni Coach Tom Thibodeau na coach niya noong kanyang kalakasan sa Chicago Bulls kung saan nahirang siyang pinakabatang MVP sa kasaysayan ng liga at mula din 2018 hanggang 2019 sa Minnesota Timberwolves.





Comments