top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Mitchell at Thomas, salo sa MVP award ng NBA Summer League

  • BULGAR
  • Aug 20, 2021
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 20, 2021



Parehong mahusay ang ipinamalas nina Davion Mitchell ng kampeong Sacramento Kings at Cam Thomas ng Brooklyn Nets kaya pareho silang itinanghal na Most Valuable Player ng katatapos na 2021 NBA Summer League sa Las Vegas, Nevada. Kabilang din sa mga pinarangalan si Fil-Am rookie Jalen Green ng Houston Rockets na kasama sa Second Team.

Nagtala si Mitchell ng mga numerong 10.8 puntos at 5.8 assist sa limang laro upang maging malaking tulong sa kampanya ng Kings. Si Thomas ang numero uno sa buong liga sa puntos na may 27.0 sa apat na laro.

Kasama nina Mitchell at Thomas sa First Team sina Jalen Johnson ng Atlanta Hawks, Trey Murphy III ng New Orleans Pelicans, Payton Pritchard ng Boston Celtics. Jalen Smith ng Phoenix Suns at Obi Toppin ng New York Knicks. Mapapansin na pito ang napili imbes sa nakagawian na limang manlalaro.

Kahit nasaktan ang hita sa kanyang ikatlong laro at hindi na bumalik bilang pag-iingat, ito ay sapat para masama si Green sa Second Team bunga ng kanyang 20.3 puntos. Ang iba pang Second Team ay sina numero unong rookie Cade Cunningham at Luke Garza ng Detroit Pistons, Paul Reed ng Philadelphia 76ers at Patrick Williams ng Chicago Bulls.

Nakamit ng Sacramento ang kampeonato matapos tambakan ang Boston Celtics noong isang araw, 100-67, at kasama sa kanilang coaching staff ang dating PBA MVP at Gilas Pilipinas Jimmy Alapag. Si Louis King ang napili bilang MVP ng Finals sa bisa ng kanyang 21 puntos.

Samantala, maaga pa lang ay nakahanda na ang regalo ng NBA para sa kanilang mga tagahanga sa darating na Araw ng Pasko. Naghanda ang liga ng limang mainit na laro upang mapuno ang buong araw ng aksyon bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang ika-75 na taon.

Magsisilbing tampok na laro ang tapatan ng Dallas Mavericks sa Utah Jazz ni 2021 NBA Sixth Man at Pinoy pride Jordan Clarkson sa 10:30 ng umaga, oras sa Pilipinas. Ang pambungad na laro ay ang pagdalaw ng Atlanta Hawks sa New York Knicks simula 12:00 ng hating gabi at susundan agad ng Boston Celtics sa 2021 World Champion Milwaukee Bucks, Golden State Warriors sa Phoenix Suns at Brooklyn Nets sa Los Angeles Lakers.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page