Mister, pasok nang host… REGINE, NATAKOT NA BAKA APIHIN SI OGIE SA IT’S SHOWTIME
- BULGAR
- Nov 15, 2021
- 3 min read
ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | November 15, 2021

Inanunsiyo sa programang It's Showtime last Saturday (November 13) ang pinakabagong miyembro ng programa na si Ogie Alcasid.
Sinalubong nang bonggang-bongga ng mga regular hosts ng It’s Showtime ang OPM icon, na nataong nagdiriwang ng kanilang ika-12th anniversary ng misis na si Regine Velasquez ngayong buwan.
Naiyak si King of OPM sa ginawang pag-welcome sa kanya ng mga hosts na sina Vice Ganda, Lovi Poe, Janine Gutierrez, mga anak na sina Sarah, Leila at Nate Alcasid at asawang si Regine Velasquez.
"I just want to say God is good. Of course, last year, hindi maganda ‘yung year na ‘yun for all of us, lalo na sa akin. Namatay ‘yung tatay ko, but you know what, minsan, may plano tayo, pero si Lord, may plano pala. Lord, inilagay mo ako rito, pagsisilbihan kita araw-araw.
Pasasayahin natin ang madlang pipol dahil inilagay N’yo ako rito," saad ni Ogie.
Winelkam at pinasalamatan naman ni Vice Ganda si Ogie sa pagpayag nito na makasama nila araw-araw.
Ani Vice, "Welcome, congratulations, and thank you very much na nagdesisyon ka na magsama-sama tayo araw-araw. Tulung-tulong tayo sa pagsisilbi sa madlang pipol. Ang laki ng maibibigay mo sa programa at sa mga taong pinagsisilbihan ng programang ito. Laki ng sayang idinadagdag mo sa araw-araw. Nagbigay ka ng ibang lasa."
Kinantiyawan pa ni Regine ang asawa dahil sa pag-iyak nito. Malaking pasasalamat niya sa magandang pag-welcome kay Ogie at panatag ang loob niya na kayang-kayang sumabay nito sa masayang pamilya ng It’s Showtime.
"Noong umpisa, medyo natatakot ako kasi ang liit-liit na nga nito, baka apihin pa,” biro pa ng Asia's Songbird sa asawa.
Patuloy niya, "Natutuwa ako noong pagdating niya rito and you (Vice) texted him, he was so happy. Ngayon, hindi na ako natatakot kasi alam ko, safe siya at nakikita ko siya sa TV," pagbabahagi ng Asia's Songbird.
Dagdag pa ni Regine, maipapakita ni Ogie ang husay sa pagpapatawa bilang host sa show.
"Kilala natin ‘yung asawa ko bilang magaling na singer at magaling na songwriter. But it's also part of him being a really good comedian. For a while, he was not able to do that. Parte ng buhay niya ‘yun, so ako lang 'yung pinapatawa niya. Kasi ‘yung comedy nga niya, na-suppress, so dito, good luck na lang sa inyong lahat," sabi niya.
Maraming netizens naman ang natuwa sa balita lalo pa at natupad ang kanilang hiling na maging regular na si Ogie sa It's Showtime. Nag-trending nga ang hashtag na #ShowtimeLabindalaWOAH at tagline na “Ogie Perfect Paayuda” at “Toxic Free” sa Twitter Philippines.
Nagsimula naman ang programa sa pagbubukas ng mga hosts ng kanilang ika-12 taong selebrasyon na may titulong It's Showtime Labindala-WOAH!: 12 Taon Saya at Pagsasama sa pagkanta nila ng original composition nina Vice at DJ M.O.D na Toxic Free.
Napanood din nu’ng Sabado ang paglalaro ni Ogie sa Madlang Pi-Poll kasama si Regine. Sa huli, pinili nilang ibigay ang napanalunan sa madlang pipol. Labindalawang mapapalad na madlang pipol ang naghati-hati sa kabuuang naipanalo ng mga Alcasid at pot money na nakuha nila na nagkakahalagang P105,000 at ang dinagdag na P45,000 ng programa.
Samantala, itinanghal naman si Julieann Torres bilang huling monthly winner ng Reina ng Tahanan matapos makakuha ng 93% combined scores mula sa choosegados na sina Ruffa Gutierrez, Janice de Belen at Lara Quigaman-Alcaraz.
Kaabang-abang naman ang mangyayari sa mga susunod na linggo sa It's Showtime. Sa patuloy nilang pagdiriwang ng12th anniv nila, huwag palampasin ang Wildcard special ng Reina ng Tahanan sa Nobyembre 15 (Lunes) hanggang 19 (Biyernes) at susundan ng Reina ng Tahanan finals sa Nob. 20 (Sabado).
Magsisimula naman ang bagong season ng Tawag ng Tanghalan sa Nov. 22 (Lunes) habang ang pinakahihintay na Magpasikat ay mangyayari sa Nobyembre 27 (Sabado).








Comments