Mister na sawa na sa misis, nag-convert sa pagiging Muslim para makapagpakasal ulit
- BULGAR
- Apr 23, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | April 23, 2022
Dear Chief Acosta,
Nag-convert po sa pagiging Muslim ang aking kapatid na lalaki sapagkat sinabi niyang nagsasawa na siya sa kanyang asawa. Ayaw niyang magsampa ng kaso para sila ay maghiwalay kaya naisipan niyang upang makapag-asawa siyang muli ay lilipat na lamang sa relihiyong pumapayag na magkaroon nang higit sa isang asawa. Maaari po ba ito?
Lillin
Dear Lillin,
Para sa inyong kaalaman, maliban sa labag sa batas ang pagpapakasal sa ibang tao habang umiiral pa ang naunang kasal (bigamy), hindi rin pinapayagan ng ating batas na gamitin ang pagpapalit ng relihiyon at pagpapairal ng kultura para paikutin ang ipinagbabawal sa ating batas. Naipabatid din ito ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong Francis D. Malaki and Jacqueline A. Salanatin-Malaki vs. People of the Philippines (G.R. No. 221075, 15 November 2021, Ponente: Honorable Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen), kung saan maliwanag na sinabi na:
“Conversion to Islam to remarry and circumvent the laws on bigamy generates legal tensions as it exploits the protective mantle of religious freedom under the Constitution.
xxx
Our pluralist society recognizes that legal institutions may not be subsumed in a homogenous legal system. We enact laws to "preserve and develop [the] cultures, traditions and institutions" of indigenous cultural communities and religious minority which come from various sources. Concomitantly, we enabled a system where these laws co-exist and simultaneously operate. However, this Court should not condone practices which circumvent laws in the guise of preserving culture.” [Binigyang-diin.]
Samakatuwid, kahit na magbago pa ng relihiyon ang inyong kapatid at umanib siya sa relihiyong may kulturang polygamy na pinapayagan sa ating lipunan, hindi niya maaaring gamitin ito upang kalimutan at ikubli ang kanyang naunang obligasyon lalo na kung hindi naman tatalima ang kanyang gagawin sa tamang tradisyon at naaayong panuntunan para makapag-asawang muli. Maaari siyang mapanagot sa kasong kriminal at/o sibil/administratibo, kaugnay nito, kapag napag-alamang huwad ang kanyang intensyon sa pagpapalit ng pananampalataya.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments