Mister, habulin daw… REGINE, MAY PANGONTRA PARA 'DI LAPITAN NG MGA BABAE SI OGIE
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | February 02, 2022

Inamin ni Regine Velasquez na gumamit din pala siya ng pangontra para hindi maging lapitin ng babae ang mister niyang si Ogie Alcasid.
Sa Magandang Buhay episode last Monday ay isa sa mga napag-usapan nila ay kung paano nila ipinagdiriwang ang Chinese New Year. Naitanong nga kay Regine kung naniniwala ba siya sa mga pampasuwerte or lucky charms na as we all know ay pinaniniwalaan ng mga Chinese.
Sey ni Songbird, dumaan din sila sa ganu’n at ikinuwento ang isang insidente sa buhay nila ni Ogie.
“Kami na nu’n (ni Ogie). We were staying na in one house. Hindi pa lang namin sinasabi na we’re staying together na. Nagpa-feng shui kami, tapos ‘yung babae na nagpu-feng shui, sabi niya, ‘Naku, si Boss Ogie, parang lapitin ng babae.’
“So, binigyan niya kami ng blue rhinoceros,” natatawang pagre-recall ni Songbird.
Ang nasabing ‘pangontra’ ay kailangan daw ilagay sa ilalim ng table para maiwasan ang pagiging lapitin ng babae ni Ogie.
“Tawa ako nang tawa kasi ‘yung asawa ko apparently, naniniwala siya roon. So, ako, tawang-tawa ako ru’n sa ‘Talaga ba? Hindi ka na lalapitan ng mga babae ‘pagka meron tayong rhinoceros?’” kuwento pa ni Regine.
Pero nang tanungin kung naging epektibo ba ang pangontra, sey ni Songbird, “Hindi rin,” sabay-tawa.
Paliwanag niya, “Hindi, kasi alam mo ‘yung asawa ko, he’s very charming. He’s a singer which is malaking plus ‘yun sa mga kababaihan. ‘Di ba, ‘yung tumutugtog lang ng gitara ‘Eeehhhh (tili),’ gumaganu’n na tayo, ‘di ba? Eh, ‘yung kakantahan ka pa.
“Tapos, nakakatawa siya. So, kahit na hindi niya sinasadya, nalalapitan talaga siya ng babae. Tapos, alam na alam ko na kapag nilalandi siya, kasi ginagawa ko rin ‘yun minsan, pero unconsciously, nagagawa ko.”
Pero in general, hindi naman daw nila gaanong isine-celebrate ang Chinese New Year at nagluluto lang sila ng tikoy since napakaraming nagbibigay nito sa kanila.





Comments