top of page
Search
  • BULGAR

Misis at mga anak, pare-parehong cong… SEN. BONG: WALANG MASAMA SA POLITICAL DYNASTY

ni Janiz Navida @Showbiz Special | September 28, 2022


Bagama't napakarami nang naipamigay na papremyo ni Sen. Bong Revilla, Jr. sa mga fans and followers sa Facebook page niya nu'ng mismong araw ng kanyang birthday last Sept. 25, may mga naiwan pa palang ipapa-raffle ang very generous na aktor-pulitiko.


Palakas na kasi ang Bagyong Karding habang ginaganap ang ALYAS POGI BIRTHDAY GIVEAWAYS ni Sen. Bong nu'ng Linggo kaya kinailangan nang tapusin ang kanyang birthday celebration.


Pero pramis ni Sen. Bong, magkakaroon ng part 2 ang kanyang pamimigay ng regalo kaya mag-antabay lang ang mga hindi pa nananalo at baka sakaling palarin sa mga natitira pang papremyo na kanyang ipamimigay.


Paglilinaw ni Sen. Bong, ginagawa niya ang pagse-share ng blessings hindi para magpapogi dahil gusto niyang tumakbo sa mas mataas na posisyon sa next election.


Malaking bagay na raw kasi para sa kanya at sa kanilang pamilya ang pagbabalik ng tiwala at kumpiyansa sa kanila ng ating mga kababayan at patunay nga raw dito ang pagluluklok sa kanila ng taumbayan sa iba't ibang posisyon.


Bukod kay Sen. Bong na muling nahalal sa Senado, congresswoman ngayon ang misis niyang si Lani Mercado sa 2nd District ng Cavite.


Ang panganay niyang si Bryan Revilla, bagama't first time sumubok sa pulitika ay nakaupo rin ngayon sa Kongreso bilang Agimat Partylist representative.


Si dating Cavite Vice-Governor Jolo Revilla naman ay First District congressman ngayon.


At ang bunsong si Ram Revilla ay 2nd District Board Member naman.


Tinanong nga namin si Sen. Bong, ang kanyang misis na si Cong. Lani at maging sina Jolo at Ram kung ano'ng masasabi nila about political dynasty na maaaring ibato laban sa kanila.


Pare-pareho naman ang katwiran ng Revilla family headed by Sen. Bong, walang masama sa political dynasty as long as may ginagawa silang mabuti para sa kanilang mga kababayan at hindi sila nagpapasarap lang sa kanilang posisyon.


Hindi nga naman nila ipinilit ang kanilang sarili na mahalal, kusa silang iniluklok at pinagkatiwalaan ng taumbayan kaya ibinabalik naman daw nila ang serbisyo sa abot ng kanilang makakaya para makatulong at makapagpasaya ng kanilang mga kababayan.



0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page