Miracle shot ni Murray, bumuhay sa Nuggets, Herro bayani sa Heat
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 10, 2022

Lalong humigpit ang karera sa taas ng Western Conference matapos lusutan ng bisitang Denver Nuggets ang Portland Trail Blazers, 121-120, sa tampok na laro sa NBA kahapon sa Moda Center. Ipinasok ni Jamal Murray ang three-points na may 0.9 segundo sa orasan upang mauwi ang kanilang ika-15 na panalo sa 25 laro at nanatili sa pang-apat na puwesto.
Nagtapos na may 21 puntos si Murray habang 33 puntos at 10 rebound si MVP Nikola Jokic at lumapit ang Nuggets sa mga nangungunang New Orleans Pelicans (16-8).
Nasayang ang 40 puntos ni Damian Lillard buhat sa siyam na tres.
Sa ibang mga laro, nagtrabaho ang Miami Heat sa 4th quarter upang masugpo ang bisitang Los Angeles Clippers, 115-110. Parehong bumuhos ng tig-walong puntos sina Jimmy Butler at Tyler Herro upang baligtarin ang 87-84 lamang ng Clippers at tuluyang lumayo papasok sa last 2 minutes, 111-103, matapos ang magkasunod na buslo ni Butler.
Nanguna sa Heat si Bam Adebayo na may 31 puntos at 10 rebound. Sumunod sina Butler na may 26 at Herro na may 19 puntos para umangat sa 12-14 panalo-talo.
Nanaig ang San Antonio Spurs sa Houston Rockets, 118-109, sa tapatan ng mga kulelat sa West. Itinayo ni kabayan Jalen Green ang pinakamalaking lamang ng Rockets na may 9:56 sa third quarter, 63-56, subalit hindi na siya pumuntos.
Samantala, pinalaya na si WNBA star Brittney Griner ng Phoenix Mercury matapos makulong sa Russia dahil nahuli siyang may hawak na ipinagbabawal na gamot noong Pebrero. Nagkasundo ang Russia at Estados Unidos na magpalitan ng preso sa pagitan nina Griner at ang Russo na si Viktor Bout na nakapiit sa Amerika para sa malakihang pagpuslit ng armas.





Comments