Minsan kampi kay PBBM, minsan kay Du30 naman… KA TUNYING, TINAWAG NA BANGAG, LOYALISTA AT BALIMBING
- BULGAR
- 7 minutes ago
- 4 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | December 14, 2025

Photo: IG _iamtunying28
Nakaka-inspire ang buhay ng mag-asawang Anthony at Rossel Taberna dahil ang dami nilang napagdaanan nu’ng mga nakaraang taon, lalo na ang pagkakasakit ng kanilang panganay na si Zoey, pero ngayon, umaani na ng biyaya at pagpapala ang kanilang pamilya.
Nitong December 10 lang, ipinagdiwang ng TGC o Taberna Group of Companies ang “Kasama, Kasalo, Pasasalamat” para sa mga naging katuwang nila sa kanilang tagumpay – kabilang na ang mga business at media partners nila – sa event na ginanap sa Cities Events Place.
Binuksan ang programa sa isang pagpapakilala at milestone video na nagbalik-tanaw sa higit isang dekadang paglalakbay ng TGC mula sa simpleng simula na puno ng pananampalataya, hanggang sa paglago ng apat na pangunahing kumpanya – ang Ka Tunying’s Restaurants, Kumbachero Food Corporation, Taste of the Town Catering, at Outbox Media Powerhouse Corporation.
Nagbigay ng makahulugang mensahe si Mrs. Rossel ‘Mrs. T’ Taberna, COO ng TGC, matapos ipalabas ang milestone video. Ibinahagi niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pusong mapagpasalamat at mapagpakumbaba sa bawat hakbang ng kanilang paglago.
Aniya, “Dito sa TGC, namumuno at naglilingkod kami nang may puso at pasasalamat.”
Nagbigay din ng mensahe si Mr. Anthony Taberna, CEO ng TGC, bilang pasasalamat sa mga media partners, “Maraming salamat sa tiwala at suporta. Katuwang po namin kayo sa bawat kuwento at tagumpay.”
Sa panayam ng media kay Anthony, natanong ang brodkaster-businessman kung sa kabila ng tagumpay niya sa dalawang larangan ay may balak din siyang pasukin ang pulitika.
Sagot nito, “Ah, no, no! Ang dami nang offers sa akin mula noon pa, like 18 yrs. ago, nu’ng 2007 pa. And every election thereafter, meron nang mga offer, pero hindi natin gusto ‘yan.”
Dahil naman sa pagiging objective journalist niya, kung anu-ano na raw itinawag sa kanya ng mga netizens.
“Tinawag na akong DDS. Tinawag na akong bangag, loyalista, balimbing, kasi objective ako. Kaya tinawag na nila ako sa iba’t ibang pangalan kasi objective ako. Minsan, tinitira ko si PBBM. Minsan, tinitira ko si Duterte. Minsan kinakampihan ko si PBBM. Minsan kinakampihan ko si Duterte.
“Akala nila, ‘pag nag-iiba-iba ka ng… may paninindigan ka, hindi ganu’n ang journalist. Ang journalist, nagsasabi nang totoo objectively.”
Pero hindi naman daw madaling maapektuhan si Ka Tunying kahit i-bash pa siya, ‘wag lang idadamay ang kanyang pamilya, lalo na ang mga anak niya.
Oo nga naman, foul na ‘yun!
Pasahero, dinala raw sa motel…
OGIE, NANAWAGAN SA INDRIVE NA ‘DI NA SAFE SAKYAN
Mukhang hindi na gaanong safe sakyan ang Transportation Network Vehicle Service o TNVS na InDrive dahil marami na rin kaming naririnig na reklamo, tulad ng dalawang beses na experience namin.
Nag-book kami ng InDrive along Roces Avenue, Quezon City, at nagulat kami dahil dumating ang sasakyan na may kasamang babae ang driver at ang katwiran niya ay asawa niya ito.
Napansin siguro ng driver na atubili kaming sumakay kaya nagsabing may bibilhin lang sila, pero tumanggi pa rin kami. Medyo nairita pa ito dahil wala naman daw masama kung sasabay ang asawa niya.
Ang katwiran namin ay ang tagal dumating ng driver, bakit hindi niya nabanggit na kasama niya ang asawa niya o may kasama siya? Eh, di sana ay sinabihan na naming huwag na siyang tumuloy dahil ayaw namin ng may ibang kasabay.
Nag-iingat lang naman kami dahil sa panahon ngayon, lalo na kung inaabot ng gabi. At nagpadala pala kami ng complaint sa InDrive sa pamamagitan ng email, pero dedma, wala kaming nakuhang sagot.
Kaya tinanggal na namin ang InDrive application namin dahil pakiramdam namin ay hindi kami safe.
Kaya namin ito naikuwento ay dahil nakita namin ang Facebook (FB) post ng movie producer-host na si Ogie Diaz kaninang madaling-araw na nag-share siya ng reklamo ng dalawang magkaibang pasahero na nanakawan ng malaking halaga at nakunan ng gamit, at ang isa ay dinala sa motel.
Ang post ni Ogie, “InDrive, aksyunan n’yo naman po ito. Dalawang magkaibang insidente ito baka madamay ‘yung ibang matinong drivers n’yo, kawawa naman.
“Sana, gumawa ng batas para maproteksyunan ang mga pasahero. Dapat iobliga ang lahat ng TNVS na may CCTV na kuha ang loob at labas ng sasakyan para sa parehong proteksyon ng drivers at pasahero.
“Saka lahat ng taxi, dapat may contact number sa loob kasama ang plate number ng sasakyan na nakasulat sa bawat pinto para maka-text agad ang pasahero kung duda siya o gago/bastos ang driver.
“Nabanggit din na dapat magsuot ng facemask ang mga pasahero dahil nauuso na naman ang spray na kapag nakaamoy ay nag-iiba ang pakiramdam.
“Kung ang driver ay naka-face mask, dapat may face mask ding baon ang pasahero, dahil uso ngayon ‘yung ini-spray sa hangin tapos mahihimatay ‘yung pasaherong makakalanghap ng nakakahimatay na amoy.
“Sa mga pasahero, lalo na sa mga babae, send na agad sa kaibigan o kaanak ang picture ng driver just in case may mangyaring masama. Diyos ko, magpa-Pasko na. Maraming gipit, maraming gustong rakitin ang mga pasahero.
“Saka sa mga pasahero, lalo na sa mga may kaya, bigyan n’yo ng tip ‘yung mababait, magagalang na driver at tinutulungan kayo sa pagbubuhat ng mga gamit n’yo.
“Anyway, bago magkalimutan — InDrive, aksyunan naman n’yo ito para hindi matakot ang mga pasahero. Pansinin n’yo ang mga complaints kung ayaw n’yong um-attend ng Senate hearing.”
Bukas ang BULGAR sa panig ng InDrive.




