top of page

Wagi ng tig-P1 M… LELLA AT CAPRICE, BIG WINNERS NG PBBCCE 2

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 14 hours ago
  • 4 min read

ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | March 2, 2026



TALKIES - LELLA AT CAPRICE, BIG WINNERS NG PBBCCE 2_GMA Network

Photo: GMA



Idineklara ang anak ni Karla Estrada na kapatid ni Daniel Padilla na si Lella Ford bilang Kapamilya Big Winner, habang si Caprice Cayetano naman ang kinilalang Kapuso Big Winner sa ginanap na Big Night ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0 (PBBCCE) noong Sabado, Pebrero 28.


Ang pagtatapos ng season ay nagmamarka ng panibagong milestone sa patuloy na kolaborasyon ng ABS-CBN at GMA Network sa paglikha ng makabuluhang mga proyekto.


Kinilala bilang ‘Ang Blooming Bunso ng Tacloban’, nanguna ang Kapamilya housemate na si Lella Ford matapos makakuha ng 53.63% ng kabuuang public votes. 


Samantala, ang Kapuso housemate na si Caprice Cayetano, na inilarawan bilang ‘Ang Demure Daughter ng Quezon City’ ay nakakuha naman ng 61.78%. Pareho sina Lella at Caprice na tatanggap ng P1 milyong cash prize.


Matapos ang anunsiyo, hindi sinayang ng dalawang Big Winner ang pagkakataon para magpasalamat sa kanilang mga tagasuporta at pamilya na umalalay sa kanila sa buong kompetisyon.


Ang Second Big Placers na sina Kapamilya housemate Krystal Mejes at Kapuso housemate Heath Jornales ay nakakuha ng 22.26% at 24.25% ng kabuuang boto at tatanggap ng tig- P500,000.



Kinumpirma ni Ogie…

HEART AT MADIR, PINASOK NG MAGNANAKAW SA BAHAY, KALMADO PA RIN



Ibinulgar ng talent manager at komedyanteng si Ogie Diaz sa kanyang YouTube (YT) channel na Showbiz Update na nakaligtas sa magnanakaw sa apartment nila sa Paris ang aktres na si Heart Evangelista at ang mother dearest nito.


Sey ni Mama Ogs, “Na-blind item na ‘to minsan. Lilinawin ko lang ‘yung blind item.

“Meron daw isang fashionistang actress na last month ay nilooban, pinasok ng akyat-bahay

‘yung kanyang tinitirhang apartment sa abroad.


“Sa Paris. So ito na nga ang nangyari, ‘di yata naisara lahat o nagamit lahat ‘yung lock ng door para completely maisara ‘yung pinto.


“So napasok sila, eh, kasama n’ya nanay n’ya nu’ng araw. Sa kuwarto pinasok. Naloka raw itong si fashionistang actress. Akyat-bahay, may tao.”


Tanong ni Mama Loi, “Uso rin doon ‘yung akyat-bahay?”

Sey ni Mama Ogs, “Oo, eh, alam mo naman ‘pag Paris, ‘di ba? ‘Yung pickpockets, ‘yung mga ganu’n. Eh, uso doon ‘yun kaya pati ‘yung akyat-bahay, ‘yun nga, naakyat sila at napuntahan sa kuwarto.


“Buti na lang kamo, may presence of mind ‘yung fashionistang aktres. ‘Yung mommy n’ya, maghi-hysterical na, buti na lang naawat n’ya, napiga n’ya ‘yung kamay, pinakalma n’ya by pressing her hand.


“Buti na lang kamo, maya-maya, nag-alarm ‘yung buong bahay. So, sa taranta nu’ng akyat-bahay, napaalis s’ya na ang nabitbit n’ya, ‘yung bag.”

Tanong ni Mama Loi, “Bag ni fashionista?”


Sey ni Mama Ogs, “Oo. Na merong isang semi-precious stone.”

Tanong ni Mama Loi, “‘Yun lang ang laman ng bag?”


Sey ni Mama Ogs, “Oo, ‘yun lang ang laman kasi s’yempre, ‘pag a-attend ka naman, alam mong ‘di lahat ng alahas mo, dadalhin mo du’n, one time ka lang a-attend. Eh, may mga fancy accessories din du’n.


“Buti, ‘yun lang daw ang nakuha. Ang nakakaloka, ‘yung bag nu’ng mommy, ‘di naman nakita kaya sobrang in shocked ‘yung mommy habang kalmado naman si aktres. Parang grace under pressure ‘yun kasi ‘pag nagtitili ka, baka saksakin ka na lang. Buti na lang, nag-alarm ang buong bahay.”


Tanong ni Mama Loi, “So naka-face-to-face nila ‘yung akyat-bahay?”

Sey ni Mama Ogs, “Oo, nakakaloka, ‘di ba? Sa bedroom. Buti may isa silang kasama ru’n. Siguro ‘yung kasama nila du’n ang nag-alarm.


“So, ‘yun nga ang nakaka-tense, ‘di ba? Kaya dito sa actress na ito, kakulay pa naman ng damit ko ang pangalan n’ya.”


Noong mga oras na nagbabalita si Mama Ogs ay nakasuot siya ng red na t-shirt.

Dagdag pa ni Mama Ogs, “Siguro ‘yung heart n’ya, ang lakas-lakas ng kabog, ‘noh?”

Saad naman ni Brenda, “Ay, Kuya, si Heart Evangelista?”


Sey naman ni Mama Ogs, “Nakakaloka naman si Brenda. Binibitin ko pa, eh.”

Saad ni Brenda na may ngiting tagumpay dahil mabilis niyang nahulaan ang blind item ni Mama Ogs, “Sabi ko na, eh.”


Ani Mama Loi, “Naku! Buti na lang safe si Heart at ang lahat ng mga kasama nila ru’n.”

Sey ni Mama Ogs, “Buti na nga lang, ‘yun lang ang nakuha kasi ‘yung ibang gamit ni Heart, nandu’n sa bag ni Mommy.


“Anyway, ingat-ingat na, Heart, ha? Next time, double-check kung naka-lock na talaga ang mga door.”


Saad pa ni Brenda, “Baka kung ano ang isipin ng mga tao r’yan, ma-bash na naman si Heart.”


Sey ni Mama Ogs, “Kahit ano namang gawin ni Heart, bina-bash naman s’ya. Kahit nga itong eksenang ito, kung gustong i-bash s’ya ng mga tao dahil ‘yun ang kaligayahan nila, okey lang. I’m sure, sanay na si Heart d’yan.


“Kasi kay Heart naman, kaya s’ya nagpupunta sa ibang bansa, s’yempre ay una, para ipakilala rin ang Pilipinas. Pangalawa, ‘yung media value, ‘yung mga isinusuot n’ya, ‘yung pabango n’ya, ang taas.”


Sey naman ni Mama Loi, “More than anything, trabaho. Nagtatrabaho s’ya. ‘Di biro ang gumising nang maaga para mag-makeup ka dahil a-attend ka at meron kang pay du’n sa pag-attend mo.”


Sey ni Mama Ogs, “Kaya kung iba-bash n’yo si Heart, ‘wag na lang. Magpasalamat tayo dahil buhay, hindi sila nasaktan, ‘di pinagsamantalahan ‘yung mag-ina. ‘Yun na lang ang ipagpasalamat natin.”


Anyway, ingat-ingat din kapag may time, Heart, lalo na sa pinto ng bahay kahit nasaang bansa ka man. ‘Di ba, madlang people?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page