top of page
Search
  • BULGAR

Milyun-milyong Pinoy, wala pa ring malinis na tubig

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 24, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Nakatutuwang malaman na nabigyan ng kaukulang pansin sa kamakailang ginawang sectoral meeting sa Malacanang ay ang kawalan ng tubig para sa marami nating kababayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. 


Dahil dito ay agad na umaksyon si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) at mabilis na inatasan ang mga ahensya ng pamahalaan na tutukan ang pagbibigay ng malinis na tubig sa tinatayang 40 milyong Pilipino. 


Ang direktiba ay ginawa ng Pangulo agad-agad matapos makumpirma na marami pang mga kababayan ang walang nagagamit na malinis na tubig hanggang sa kasalukuyan. 


Nabatid na isa sa ahensyang inatasan ay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kasama ang iba pang kagawaran na dapat ay mabigyan ng access sa malinis na tubig ang nabanggit na bilang ng mga Pinoy. 


Lumabas sa naturang pagpupulong ang mga lugar na natukoy na walang malinis na tubig ay mga komunidad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at mga malalayong isla. 


Napag-alaman na kalimitang ang tubig mula sa mga bukal, sapa at pati na tubig-ulan ang ginagamit ng may 40 milyong Pinoy kaya nais ni PBBM na matutukan agad para mabigyan ng malinis na tubig ang mga ito. 


Ang akala natin ay kuryente lamang ang problema sa maraming lalawigan ngunit napakarami palang komunidad ang walang maayos na tubig sa malaking bahagi ng Mindanao. 


May kasabihan nga na mawalan na ng kuryente, huwag lang ang tubig na isang malaking palaisipan kung paano naisasalba ng ating mga kababayang hanggang ngayon ay walang maayos na supply ng tubig ang pang-araw-araw nilang buhay. 


Kaya nang makumpirma mismo ito ng Pangulo ay agad nitong pinakilos ang mga ahensya na may kapasidad na maresolba ang kawalan ng tubig ng milyun-milyon pa nating kababayan. 


Bigla nga akong nalungkot na puro kaunlaran ang ating pinag-uusapan pero marami pa pala tayong kababayan na ultimo tubig na lang ay wala pang sapat na supply. 

Paano natin masasabing maunlad ang isang lugar kung ang mga taong naninirahan dito ay wala pa sa lebel ng disenteng pamumuhay at isa sa basehan nito ay ang pagpihit ng gripo na may dumadaloy na tubig sa loob ng tahanan. 


Maayos na daloy ng tubig ang isa sa basehan ng sinasabing ‘quality of life’ na pamantayan ng isang disenteng pamumuhay na hindi kailan man mararanasan ng ating mga kababayan sa BARMM kung hindi sila magkakaroon ng sapat na supply ng tubig. 


Nakalulungkot na malaman na may mga kababayan tayong nasa ganito pa ring kalagayan ngunit nakatataba ng puso na matiyak na mareresolba na ang suliraning ito sa lalong madaling panahon. 


Siguradong maaayos na ang problemang ‘yan — dahil ang Pangulo na ang naglabas ng direktiba — maliban na lamang kung sawa na sa kanilang panunungkulan sa pamahalaan ang mga namumuno sa inatasang ahensya. 


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page