Milyun-milyong konsumer, makikinabang sa bagong transmission lines
ni Ryan Sison @Boses | July 13, 2024

Sa pagbubukas ng Mariveles-Hermosa-San Jose Transmission Lines, tiyak na milyun-milyong power users at consumers ng Luzon ang makikinabang dito.
Ito kasi ang magsisilbing backbone facility upang ma-stabilize ang power transmission services sa Luzon.
Ayon kay National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) President Anthony Almeda, matapos ang inagurasyon at energization sa naturang facility, kung saan critical component ito para masiguro ang reliability at sustainability ng kanilang power grid, nasa 59 milyong konsyumer ang maseserbisyuhan ng naturang transmission lines.
Paliwanag ni Almeda, magbibigay ito ng bagong high voltage link na may kakayahang mag-transmit ng 8,000MW na kuryente mula sa power plants sa Bataan at Zambales.
Ang Mariveles-Hermosa-San Jose 500kV project, isang major component ng NGCP Western Luzon 500kV transmission backbone, ay isa sa long-term vision ng kumpanya para makapagbigay ng matatag o resilient at episyenteng power grid na makatutugon sa tumataas na demand sa enerhiya.
Ang naturang proyekto, na inihain ng Energy Regulatory Commission (ERC), ay nagkakahalaga ng P20.94 bilyon, kabilang ang 395 transmission towers, 275.6 circuit kilometers ng overhead lines, 2 new substations, at 2,000 MegaVolt Amperes (MVA) substation capacity.
Siguradong maraming kababayan ang mabebenepisyuhan ng binuksang bagong transmission lines ng ating gobyerno.
Kung titingnan kasi ay kaya nitong makapag-transmit ng libu-libong megawatts na kuryente sa bahagi ng Luzon na malaking pakinabang naman sa mga mamamayan.
Kumbaga, mas magiging mas maganda ang serbisyo at supply ng kuryente sa mga susunod na araw.
Gayundin, mas mapapalakas nito ang mga imprastraktura ng bansa para makumpleto ang ilan sa mga big-ticket projects kabilang na rito ang nasa Mindanao-Visayas Interconnection, partikular ang Cebu-Negros-Panay 230kV Interconnection.
Makatutulong din ito para tuluyang maiangat ang ating ekonomiya habang makatutugon pa sa pangangailangan sa enerhiya ng ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments