Milwaukee Bucks, shoot na sa East Semis; GSW una sa West

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 29, 2022

Umabanse na ang Milwaukee Bucks sa Eastern Conference semis ng 2022 NBA Playoffs matapos durugin ang kulang na Chicago Bulls, 116-100, sa Game 5 kahapon sa Fiserv Forum. Makalipas ang ilang oras ay sinundan ng Golden State Warriors bilang unang koponan sa Western Conference Semifinals nang pabagsakin ang Denver Nuggets, 102-98, sa Game 5 ng seryeng best-of-seven.
Bumuhos ng 15 sunod-sunod na puntos ang Bucks sa simula ng 2nd quarter upang itayo ang pinakamalaking lamang, 49-20, sa likod nina Giannis Antetokounmpo, Wes Matthews at Jevon Carter. Sa puntong iyon ay wala pang puntos si DeMar DeRozan ng Bulls at hinintay pa ang 5:39 bago siya naka-shoot at tinapos ang laro na may 11 puntos lang.
Inalagaan nang mabuti ng Bucks ang lamang kahit bahagyang nakalapit ang Chicago na naglaro na wala sina Zach LaVine dahil sa health protocol at Alex Caruso na naumpog ang ulo noong Game 4. Nanguna si Giannis sa kanyang 33 puntos at sinundan ni Pat Connaughton na may 20 puntos buhat sa anim na tres.
Natapos ang seryeng best-of-seven sa 4-1 kung saan nakuha ng Milwaukee ang huling tatlong laro. Naghihintay sa Milwaukee sa East Semifinals ang Boston Celtics na winalis ang Brooklyn Nets, 4-0.
Kahit walo ang lamang ng bisitang Nuggets sa simula ng 4th quarter, 78-70, hindi ito pinansin ng Warriors at unti-unting humabol hanggang maagaw ang abante sa three-points ni Gary Payton II papasok sa huling 7 minuto, 86-84. Hindi na binitawan ng Golden State ang lamang at uminit muli ang shooting nina Stephen Curry at Klay Thompson upang samahan si Payton sa paghatid ng mga pandiin na puntos.
Bumuhos ng 30 puntos si Curry habang parehong tig-15 puntos sina Thompson at Payton at 12 galing kay Andrew Wiggins – apat na manlalaro na mga anak ng mga dating NBA player. Sinikap ni MVP Nikola Jokic na buhatin ang Denver sa 30 puntos at 19 rebound subalit kinapos ng tulong ng kakampi lalo na sa 4th quarter.





Comments