Millennials na mas gustong mag-live in kesa ikasal, dumarami
- BULGAR
- Oct 18, 2021
- 4 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 18, 2021
Parami nang parami ang mga bagay at sistema sa mundo na sa paglipas ng panahon ay nagbabago tungo sa iba’t ibang direksiyon depende sa pangangailangan at kung palaging umaakma sa makabagong panahon kabilang na ang pag-unlad ng istilo, teknolohiya at iba pa.
Ngunit alam n’yo ba na bukod sa mga ito ay tila sumasabay sa pagbabago ang pagsasama ng isang nagmamahalan na dati-rati ay kailangang magpakasal muna, ngunit ngayon ay mas pinipili pa nilang magsama na lamang ng hindi kasal at tumataas pa ang bilang nito?
Pinatotohanan ang ulat na ito ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nitong mga nagdaang taon ay patuloy ang pagbaba ng mga naitatala sa kanilang tanggapan na mga nagpapakasal, ngunit hindi pa sila naglalabas ng opisyal na bilang hinggil dito.
May bukod na pag-aaral din ang Commission on Population (POPCOM) hinggil dito kabilang na ang pagtaas ng mga batang bagong ipinapanganak ng mga nagsasamang hindi kasal na lalo pa umanong tumaas sa panahon ng pandemya.
Nakapag-aalala ang magkahiwalay na ulat ng PSA at POPCOM dahil tila lumiliko na ang landas ng mga bagong lahi na kung moralidad ang pag-uusapan ay lubhang napakalayo na nito sa mga sinaunang natutunan natin na mariing itinuro sa atin ng ating mga guro at magulang.
May isa pang pag-aaral na hindi lamang sa ating bansa nangyayari ang ganitong sitwasyon dahil halos buong mundo ay nakararanas na umano ng pagbaba ng mga ikinakasal at masaya namang nagsasama habang bumubuo ng kani-kanilang pamilya.
Lumalabas na marami ang millennials na sinasadyang hindi magpakasal o inaantala ang pagpapakasal sa pinakamataas na edad na maaari pang manganak sa kababaihan dahil malaking kakulangan umano ng karapat-dapat na lalaking potensiyal na maging maayos na asawa.
Base sa ulat ng PSA, nasa 38.2 porsiyento ng mga ikinakasal ay sa ilalim ng civil ceremonies, nasa 36.2 porsiyento naman ang ikinakasal sa ilalim ng Roman Catholic Church, habang nasa 22.9 porsiyento ang ikinasal sa ibang religious rites, 1.4 porsiyento sa Muslim tradition at 0.9 porsiyento naman sa tribal ceremony.
Nasa pag-aaral din ng PSA na mas maraming babae ang pursigidong magpakasal sa mas batang edad kumpara sa mga lalaki na nais magpakasal ng 27-anyos pataas at mula sa pinakahuling tala na 416, 542 na ikinasal ay nasa 96.4 porsiyento sa mga ito ay Pinoy couple samantalang 3.5 porsiyento ay sa pagitan ng Pinoy at foreign national.
Maraming lalaking Pinoy ang nagpapakasal sa babaeng American, sinunandan ng Canadian, Chinese at Japanese women samantalang ang mga Pinay sa kabilang banda ay nagpapakasal naman sa mga American, kasunod ng Japanese, British, Korean at Canadian men.
Ngunit sa kabila ng inilabas na ulat na ito ng mga nagpapakasal ay higit umanong marami ang mga Pinoy couple ang nagsasama bilang mag-asawa at nagpapamilya sa labas ng kasal at sa loob ng limang taong nagdaan ay patuloy pa itong tumataas kada taon.
Sa isinagawang conference kamakailan ng Emerging Dimensions of Marriage in Asia ay nakitang patuloy ang pagtaas ng hindi nagpapakasal dahil sa iba’t ibang kadahilanan at dumami din ang lumakas ang loob ng mga nais magsama ng hindi kasal kumpara sa mga nagdaang dekada.
Hindi lamang ang mga kababayan nating nagmula sa mahihirap na sektor ang mas pinipili na lamang ang magsama ng hindi kasal dahil maging sa antas ng mayayaman ay mataas na rin ang bilang ng hindi nagpapakasal.
Ilan sa mga dahilan kaya marami ang hindi nagpapakasal dahil sa sobrang malaki ang gastos ng magarbong pagpapakasal, ngunit mas nananaig ang problema sa sobrang hirap nang paghihiwalay sakaling hindi maging maging matagumpay ang pag-iibigan ng kasal na nagsasama.
Tila tuluyan nang nawala ang nakagisnang kaugalian na ang babae na lubhang iniibig ng lalaki ay talagang sinusuyo at literal na pinaglilingkuran para ipakita lamang ang taos-pusong pag-ibig na sa huli upang patunayan ang pag-ibig ay inaalok ito ng kasal.
Ngayon ay nagkakakilala na lamang sa social media, makaraan ang palitan ng mga mensahe ay agad na magkikita ng personal at sa napakaikling panahon ay magkasintahan na at ang dating nagdi-date sa parke at sa mga shopping mall ay hindi na rin sapat sa panahong ito.
Dahil sa estilo ng maraming millennials ay karaniwang nagtutungo na ng motel at ginagawa na ang mga bagay na dapat mag-asawa lamang ang gumagawa sa ilalim ng sakramento ng kasal, ngunit ngayon ay hindi na ito mahalaga na humahantong sa maagang pagbubuntis.
Hindi natin naman hinuhusgahan ang mga nagsasamang ayaw magpakasal at iginagalang natin ang kanilang desisyon dahil sila lang naman ang makapagsasabi kung tama at kung masaya naman ang kanilang pagsasama dahil sa huli ay tayo pa rin ang magdedisisyon sa ating sariling buhay.
Marami pa rin namang pamilya na alam natin sa ating lipunan na hanggang ngayon ay mataas pa rin ang respeto sa kasal at marami pa rin sa mga Pilipina ang pangarap pa ring iharap sa dambana ng lalaking kanyang minamahal.
Ngunit kung nagmamahalan nga pero walang tiwala sa isa’t isa na magtatagal ang ralasyon pero gustong magsama, tapos bahala na bukas -- ay wala tayong magagawa pero kung tunay ang pagmamahalan at handang magsama hanggang kamatayan ay walang dapat ikatakot na magpakasal.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments