Middleton, Porzingis, Walker at Antetokounmpo, namisak
ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 24, 2021

Determinado ang Milwaukee Bucks na maging numero uno sa NBA Eastern Conference at ipinakita nila ito matapos talunin ang nangungunang Philadelphia 76ers, 124-117, kahapon sa Fiserv Forum. Hindi pinatikim ng Bucks ang lamang sa 76ers at umabot pa ito ng 21 puntos sa pagwakas ng third quarter, 108-87.
Nagbagsak agad ng 21 ng kanyang 24 puntos si Khris Middleton sa first half habang may 16 ng kanyang 27 puntos na may kasamang 16 rebound si MVP Giannis Antetokounmpo upang umangat sa 36-22. Noong 2020, tinapos ng Milwaukee ang pinaikling torneo na numero uno sa buong liga sa kartadang 56-17.

Playoffs din ang pakay ng Dallas Mavericks at pinatumba ang defending champion Los Angeles Lakers, 115-110. Bumalik sa aksyon si Anthony Davis para sa Lakers subalit 17 minuto sa first half lang siya ginamit bilang pag-iingat sa bagong hilom na pilay sa takong na dahilan ng kanyang pagliban sa 30 laro buhat pa noong Pebrero.
Kuminang ang laro ni Luka Doncic na 30 puntos at tinulungan ni Kristaps Porzingis na may 19. Tumabla na ang Dallas sa Portland Trail Blazers sa 32-26 para sa ika-anim na puwesto sa Western Conference lumapit sa ika-limang Lakers na 35-24.
Buhay pa rin ang kampanya ng Boston Celtics at nagtala ng malaking tagumpay kontra sa bisitang Phoenix Suns, 99-86. Nanguna sina Kemba Walker na may 32 puntos at Jayson Tatum na may 15 puntos at 11 rebound upang matakpan ang pagliban ni Jaylen Brown dahil sa masakit na balikat.
Pinisa ng Chicago Bulls ang Charlotte Hornets, 108-91, upang manatiling buhay para sa playoffs. Parehong nagtala ng tig-18 puntos sina Nikola Vucevic, Thaddeus Young at Coby White habang humakot ng 16 rebound si Vucevic.





Comments