top of page
Search
  • BULGAR

Mga yosi kadiri, mas madaling mahawa sa COVID-19 at mas malala pa!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 27, 2020



Nagbigay ng babala ang Department of Health (DOH) sa mga naninigarilyo kabilang na ang mga gumagamit ng vape dahil bukod sa mas madali silang mahawa ay mas malala pa.


Ito rin mismo ang pahayag ng pamunuan ng Philippine Pediatric Association-Tobacco Advocacy Group dahil ang paninigarilyo umano ay nagbibigay ng pagkakataon sa COVID-19 na makahawa dahil sa madalas na pagtama ng kamay sa bibig.


Malaking dahilan din ang pag-aalis ng suot na facemask at face shield sa gitna ng paninigarilyo para mas magkaroon pa ng pagkakataon ang virus na sumalin sa isa’t isa dahil hindi naman kayang humithit na may takip ang bibig at mukha.


Lubhang napakadelikado rin kung sa loob mismo ng mga smoking area na kulob tulad ng tambayan ng mga tsuper sa mga shopping mall nagaganap ang pagsisigarilyo dahil bukod sa kapos para sa physical distancing ay hindi gaanong nakakalabas ang mga ibinugang usok.


Posible ring tumawid ang virus sa mga naninigarilyong walang posporo o lighter dahil tiyak na makikisindi ito sa makakasalubong na naninigarilyo at ang abutan ng sigarilyo ay posibilidad nang pagkakahawa-hawa at maging ang distansiya nila habang nakikisindi.


Maging ang mga gumagamit ng vape na karaniwang nagsisiksikan sa mga vape shop at puno ng usok ay nasa bingit din ng kamatayan sakaling mahawa sa COVID-19 dahil sa nagpapalakasan sila ng buga at hindi malayong manatili ang droplets sa ere sa kulob na lugar.


Tinitingnan din ng DOH ang paninigarilyo na isa sa mga dahilan nang paghina ng immune system ng tao dahil sa masamang epekto ng tabako na nakapaloob mismo sa bawat istik ng sigarilyo.


Kapag mahina na umano ang immune system ng naninigarilyo ay hirap na itong labanan ang darapong impeksiyon na humahantong sa paglala at kalaunan ay sa kamatayan.


Hindi rin ligtas ang mga gumagamit ng vape dahil sa bawat paghigop at pagbuga nila ay nagpu-produce sila ng aerosol na lubhang napakadelikado para sa kanilang mga kasambahay dahil sa second-hand aerosol.


Higit na napakadelikado na mahawa ng COVID-19 ang mga naninigarilyo dahil karaniwang may tama na ang kanilang baga lalo na ‘yung mga matagal nang naninigarilyo na posibleng malala na ang kondisyon ng baga.


Lalo pa at ang unang inaatake ng COVID-19 ay ang mismong baga na kapag may tama na dahil sa paninigarilyo ay mas mabilis at mas malala ang epekto na isa sa mga dahilan para humirap at tumagal ang gamutan o tuluyang hindi na magamot.


Kahit hindi na gaanong uso ang sigarilyo kumpara noong mga nakaraang dekada na hindi pa mataas ang kaalaman hinggil sa masamang epekto nito ay marami pa rin ang hindi talaga makabitaw sa bisyong ito.


Karaniwan ay kabataan na nabubuyo ng impuwensiya ng barkada at hindi alintana ang mga larawang nasa labas ng kaha ng sigarilyo na nagpapakita ng delikado at masamang epekto nito.


May mga bagitong ama rin na hindi alintana ang paninigarilyo kahit nasa harap ng kanilang maliliit na anak at walang habas sa pagbuga dahil sa kakulangan ng kaalaman na delikado rin ang dulot nito para sa kanilang anak na nalalanghap ang kanilang ibinubuga.


Kaya sa mga ayaw tumigil sa paninigarilyo at nagmamadaling iwan ang mundong ito ay huwag na ninyong idamay ang mga mahal n’yo sa buhay lalo pa ngayong pandemya.


Sa panahong ito ng pandemya ay pinapayuhan tayong mag-ingat at palakasin ang ating immune system ngunit paano ito gagawin ng ilan sa ating mga kababayan kung mismong kasama nila sa bahay ay walang pakundangan sa paninigarilyo.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page