top of page
Search
  • BULGAR

Mga turista, ‘di exempted sa health protocols!

ni Ryan Sison - @Boses | March 5, 2021


Sa tagal na nating nakikipaglaban sa pandemya, naging parte na ng ating buhay ang pagsunod sa itinakdang minimum health standards bilang pag-iingat sa COVID-19.


Ibig sabihin, araw-araw na pagsusuot ng facemask at face shield, pagsunod sa tamang social distancing at pagsagot ng health declaration forms sa mga establisimyento.


At kasunod ng pagpapaluwag ng quarantine protocols sa ilang bayan at lungsod sa bansa, nakatakdang maglabas ng memorandum ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan para hikayatin ang mga ito na gumawa ng ordinansa para matiyak na nasusunod ang minimum health standards at maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.


Kabilang din sa nasabing ordinansa ang mga local traveler o mga nagtutungo sa iba’t ibang lugar. Ilan sa mga inihalimbawa ng ahensiya ay ang mahigpit na pagsusuot ng facemask at face shield sa tuwing nasa pampublikong lugar at ang pagpapatupad ng social distancing.


Matatandaang kamakailan, niluwagan ng Inter-Agency Task Force for emerging infectious diseases (IATF-EID) ang pagbiyahe sa pamamagitan ng hindi na pag-require sa mga biyahero na kumuha ng medical certificate at travel authority.


Kung kani-kanyang ordinansa ang mga lokal na pamahalaan, nangangahulugan ba ito na kapag tumaas ang bilang ng hawaan, sila ang may kasalanan?


Gayunman, kung magkakaroon ng ordinansa, dapat managot ang sinumang lalabag, residente man o turista. Sa tagal nang umiiral ng health protocols, dapat tayong magkusa dahil alam natin na makatutulong ito upang maiwasan ang hawaan.


Isa pa, dapat maunawaan ng mga turista na hindi porke hindi sila taga-roon, dedma na sila sa mga health protocols. Tandaan na sa kabila ng pagluluwag sa travel requirements, kailangang masunod ang mga minimum health standards sa lahat ng oras.


‘Ika nga, ‘wag tayong makampante dahil kamakailan, sinabi ng World Health Organization (WHO) na sa kabila ng vaccination program sa iba’t ibang bansa, mananatili at patuloy na mananalasa ang pandemya ngayong taon.


Hangad nating magsilbi itong paalala sa lahat na hindi pa tayo dapat magparelaks-relaks, sa halip, dapat pa nating paigtingin ang ating pag-iingat.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page