Mga tsuper, 'wag nang pahirapan, ayuda ibigay agad
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 14, 2022
Sa maraming pagkakataon ay palagi na lamang dehado ang mga tsuper sa kahit anong sitwasyon na kanilang ipinaglalaban at napakadali naman nilang pakalmahin sakaling mabigyang pansin lamang ang kanilang kahilingan.
Nitong kasagsagan ng pandemya ay kitang-kita naman nating lahat na marami sa mga tsuper ng pampasaherong sasakyan ang literal na namalimos na para lamang mapakain ang kani-kanilang pamilya.
Kaya hindi naman tahasang pagkampi lamang ang aking naging desisyon na suportahan ang mga tsuper dahil nararapat lamang na ang kapakanan naman nila ang ating bigyang pansin lalo pa at sunud-sunod naman talaga ang pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Tama lang na tugunan ang agarang pamamahagi ng fuel subsidy dahil marami ang umaasa rito lalo pa at marami sa mga driver ng pampublikong sasakyan ang ngayon lang sana nakababawi at nakababangon sa muling pagbubukas ng ekonomiya.
Sa naging pagtugon ng pamahalaan sa ating panawagan ay inaasahan nating walang magiging balakid sa magiging implementasyon nito, dahil hawak na naman ng pamahalaan ang listahan ng mga pangalan at organisasyon ng mga benepisyaryo na siya ring ginamit sa pamamahagi ng ayuda sa kasagsagan ng lockdown.
Suportado natin ang anumang hakbang upang makontrol ang pagtaas ng presyo ng petrolyo – gaya ng pansamantalang pagsuspinde sa excise tax, pag-explore ng local sources ng langis, at pag-develop ng renewable energy sources.
Ngunit pinakamahalaga sa ngayon ay kung paano natin maaalalayan ang mga mahihirap nating kababayan, partikular ang mga tsuper, na direktang pumapasan sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at wala nang naiuuwing kita sa kanilang pamamasada.
Huwag nating hayaan na muli silang malugmok sa kahirapan at agad nating ibigay ang kinakailangang ayuda mula sa pamahalaan. Gawin nating mabilis at simple ang proseso para sa ating mga tsuper, at huwag nang gawing kumplikado pa, at lalong huwag na nating patagalin pa, dahil sa huli ay mas marami ang maghihirap kapag tumaas ang pamasahe at ang presyo ng mga bilihin.
Kaya natutuwa tayo dahil naging positibo naman ang isinagawang pag-uusap sa pagitan ng apat na transport group at ng Department of Transportation (DOTr) na iaatras ang petisyon para sa P1 na dagdag-pasahe sa jeep.
Ito ay matapos na tiyakin ng pamahalaan na dodoblehin ang fuel subsidy para sa mga driver at operator na tatanggap umano ng kabuuang P13,000 ngayong Marso sa Abril na naging dahilan para manatili naman sa P9 ang minimum na pamasahe sa jeep.
Ayon sa Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ipamamahagi na sa susunod na linggo ang kalahati na P6,500 fuel subsidies matapos na ilabas na umano ng Department of Budget and Management (DBM) ang P2.5 bilyong pondo bilang subsidiya sa public transport utility.
Nasa 377,000 ang kuwalipikado sa fuel subsidies na kinabibilangan ng PUV drivers na operator din ng jeepneys, UV express, taxis, tricycles, at iba pang full-time ride-hailing at delivery services sa bansa.
Baka isipin naman ng ilan sa ating mga kababayan na baka lumaki naman ang ulo ng mga tsuper dahil sa naging panawagan natin na bigyang pansin naman ang kalagayan ng mga tsuper sa bansa, pero napapanahon naman na talaga dahil napakalaki na ng kanilang pagsasakripisyo.
Hindi naman kalabisan ang kanilang hinihingi dahil karagdagan lang naman ito para maitawid nila ang pang-araw-araw nilang kabuhayan at hindi na nila alintana ang hirap nang pamamasada buong maghapon na maging ang pagkain at pag-ihi nila ay wala na sa tamang oras.
Bukod sa maghapong dumi na kanilang nalalanghap ay hindi na nila magawang magpalit ng suot na damit na maghapong nababasa at natutuyo sa pawis dahil sa init ng makina ng sasakyan na nasa kanilang harapan tapos ay hindi naman kumikita nang malaki.
Wala naman tayong nabalitaan na yumaman dahil sa pagmamaneho lamang at karaniwan ay puro reklamo ang ating naririnig na halos sapat o minsan ay kulang pa sa kanilang mga gastusin ang kanilang kinikita ngunit wala silang magawa dahil ito lamang ang alam nilang hanapbuhay.
Idagdag pa rito ang madalas ay nakakaaway pa nila ang ilang pasahero sa iba’t ibang kadahilanan sa maghapong pamamasada at minsan pati ang kapwa nila tsuper ay nakakagalit din nila dahil lamang sa gitgitan at agawan ng pasahero.
Idagdag pa ang sakripisyo ng mga tsuper sa ilang traffic enforcer na kung hindi sila pagagalitan ay huhulihin at kukunin ang lisensiya na karagdagang gastos kung tutubusin o ang pinakamalala ay biktima pa sila ng pangongotong.
Sabi nga nila “Basta driver, sweet lover”, marahil ay totoo ito kung hindi kumakalam ang tiyan at sapat naman ang kinikita para sa kanilang pamilya na maghapon o minsan ay magdamag pang naghihintay sa kanilang pagdating.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments