Mga tsuper may budget pala, hinayaan pa mamalimos muna, buwisit!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 15, 2021
PAKAPALAN NA LANG NG MUKHA SA DOH--Matapos ibulgar ng Commission on Audit (COA) ang mga kuwestiyunableng paggasta ng Department of Health sa pera ng bayan na mahigit P67 bilyon at manawagan ang iba't ibang sektor ng lipunan na dapat mag-resign na sa puwesto si Sec. Francisco Duque III, ang naging tugon ng DOH secretary ay never siyang magbibitiw sa tungkulin dahil ayaw niyang iwan sa panahon ng COVID-19 pandemic si P-Duterte.
May ganyang isyu na sa DOH at P67-B ang sangkot, tapos ayaw pa rin niyang umalis sa puwesto.
Aba, kulang na lang sabihin ni Duque na ang pagkapit-tuko niya sa puwesto ay "pakapalan na lang ng mukha," boom!
◘◘◘
HINAYAANG MAMALIMOS ANG MGA TSUPER GAYUNG MAY P5.5-B PALANG BUDGET PANG-AYUDA SA KANILA--Bukod sa mga kuwestiyunableng paggasta ng DOH sa pera ng bayan worth P67-B, nabisto rin ng COA na sa P5.5 bilyong na inilaan ng Duterte gov't. sa LTFRB (Land Transportation and Franchise Regulatory Board) para pang-ayuda sa mga tsuper na nawalan ng hanapbuhay ay higit 1% lang dito ang naipamahagi ng LTFRB sa mga jeepney drivers.
Napakawalang-habag naman ng "tao" ni P-Duterte sa LTFRB na si Chairman Martin Delgra, may ganyan naman palang pang-ayuda sa mga tsuper pero hindi ipinamigay at hinayaan na lang mamalimos sa kalsada ang mga jeepney drivers para may pangkain kanilang pamilya, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
AYUDANG PANG-TSUPER, BAKA MAPUNTA SA MGA BUWAYA SA PAMAHALAAN--Matapos mabisto ng COA na sa P5.5-B ay P59 milyon lang kabuuang halaga na naipamahagi ng LTFRB sa mga tsuper, ang sabi ni Chairman Delgra ay ibabalik na lang nila sa DBM (Dept. of Budget and Management) ang higit P5.441-B.
Ngayong nagkabukingan na, imbes ilarga na ang pamimigay ng ayuda sa mga tsuper, mas ninais pa ng LTFRB na ibalik ang perang 'yan sa DBM.
Kapag nangyari 'yan, baka hindi na mga tsuper ang makinabang, kundi 'yung mga buwaya na sa pamahalaan, boom!





Comments