top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Mga tsuper at operator, pinaasa sa programa na ginawa para makakumisyon ang kapalmuks na opisyal

Writer: BULGAR
BULGAR
May 4, 2021
3 min read

ni Chit Luna - @Yari Ka! | May 04, 2021


Inakala ng mga tsuper ng mga pampasaherong dyip na unti-unti na silang makakabangon sa kinasadlakang dusa bunsod ng mahabang panahong inilagi nila at ng kani-kanilang dyip sa garahe, nang mag-anunsiyo ng programang magbabalik sa kanila sa lansangan.


Hinimok nila ang libu-libong tsuper at operator na maging bahagi ng service contracting program kung saan mayroon anilang nakalaang malaking pondong tutugon sa kanilang paghahangad na muling kumita sa parehas na paraan.


Subalit, kailangan anilang tuparin ng mga tsuper at operator ang ilang requirements upang mag-qualify sa nasabing programa kung saan sila ay papasada sa 44 ruta sa Metro Manila upang sumundo at maghatid ng mga medical frontliners mula at patungo sa mga ospital at healthcare facilities.


Nakamamangha ang intensiyon ng nasabing programa. Bukod sa makababalik na sa kani-kanilang hanapbuhay ang mga tsuper ay maaliwalas nilang masusundo at maihahatid ang mga bayaning direktang sumasagupa sa lintek na COVID-19.


Sa ilalim ng nasabing programang sinimulan noong Marso at tatagal hanggang sa kalagitnaan ng Abril, babayaran ng P11 kada kilometro ng gobyerno ang mga tsuper ng dyip base sa kilometraheng kanilang tinatakbo sa libreng sakay para sa mga medical frontliners.


Maging ang mga natenggang kawani ng mga bus companies, pinangakuang babayaran ng P23.10 sa kada kilometro ng kanilang pagbiyahe sa lansangan para isakay ang mga frontliners. Ang siste, mayroong mataas na opisyal ang umiipit sa pondong laan para sa mga kaawa-awang mga tsuper.


Natapos ang kontrata nang hindi sila binayaran. Kaya naman, minabuti nilang huminto sa itinakdang pagtatapos ng kontrata lalo pa’t wala na rin naman silang pangkrudo man lang. Nang sila’y nagtigil pasada, muling naglabas ng anunsiyo ang dalawang ahensiya at muling nanawagan sa iba pang tsuper na lumahok sa naturang programa.


Pangako nila — mas mataas na bayad sa kilometraheng kanilang itatakbo para isakay ang mga medical frontliners papunta sa mga ospital at pauwi sa kanilang tirahan. Ang offer — P27.10 kada kilometro. Katapusan na ng Abril pero tila wala pang planong lumagda ang nasabing tiwaling opisyal sa dokumentong magbibigay-pahintulot sa bangko upang makakubra na ang mga pobreng tsuper.


Bagama’t hindi naman niya puwedeng kubrahin ang nasabing pondo, halata namang naghihintay lang siya na makipag-ugnayan ang lider ng mga kooperatiba ng tsuper para sa hatian ng kita. Narito ang mensaheng ipinaabot ng isang tsuper, na siyang nagsiwalat ng tangkang pangungumisyon ng tiwaling prenteng-prente sa kanyang nakabubusog na puwesto sa gobyerno. “Good morning po. Kami ay sumunod sa programa n’yo, nagbuo ng coop, nag-modernize, sumunod sa free ride, at ang sabi kami ay babayaran per kilometer, umaasa po kami sa nasabing programa na kami ay mababayaran. Pinaasa n’yo kami sa pangako na agad ibibigay ang pay out… Umabot na po sa P230-K ang konsumo po namin sa fuel pa lang mula March 29 to April 12. Sa laki ng aming pagkakautang, kailangan na namin magbayad. Pero saan naman kami kukuha ng pambayad kung kami mismo ay hindi pa binabayaran ng pamahalaan? Tumigil kami sa free ride April 13 dahil wala na po kami pang krudo.”


‘Susmaryosep! Lumalabas na nakapangutang pa pala sila para lamang makasali sa mga kooperatiba, sa modernization, krudo, langis at iba pa — tapos makikihati pa ang mga kumag na ‘to? Sadya nga bang wala nang puso ang mga ito at pati ‘yung mga halos hindi makakumpleto ng tatlong kain sa isang araw ay nakuha pa nilang gipitin?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page