Mga truck na may condemned items mula Customs, naglahong parang bula, hmmm…
ni Ka Ambo - @Bistado | September 12, 2021
Naglahong parang bula ang mga truck na naglalaman ng mga condemned items mula sa Bureau of Customs.
Sino ang bihasang madyikero?
◘◘◘
DELIKADONG maalisan ng accreditation ang RCU Waste Management Services mula sa Bureau of Customs (BOC) para sa mga condemnation activities ng ahensiya.
Dapat masiyasat itong mabuti!
◘◘◘
NAGLABAS na ng memorandum si BOC Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero kay Port of Manila District Collector Michael Angelo Vargas na may date na September 8 hinggil dito.
Ipinag-uutos ang pagsuspinde sa lahat ng condemnation activities sa Bagong Milenyo Mall sa Pasay City at sa RCU Waste Management Services facility sa Valenzuela City.
◘◘◘
BATAY sa memo, may pagkakataong hindi nawawasak pa ang mga ilegal na kontrabando na kinontrata at nasa pag-iingat ng RCU dahil naglalaho na lang bigla ang mga counterfeit item.
Sa isang pagkakataon, naging “missing” ang Wing Van na kinargahan ng counterfeit items sa Bagong Milenyo Mall.
◘◘◘
KATAKA-TAKANG hindi nakarating ang truck sa pasilidad ng RCU Waste Management Services.
Nangyari ito noong August 25 at RCU ang tumayong Service Contractor for Condemnation.
◘◘◘
NANG araw ding iyon, may dalawa pang Wing Vans na kinargahan din ng mga ilegal na kontrabando sa Bagong Milenyo Mall, subalit hindi rin nakarating sa RCU Waste Management Services facility.
Saan napadpad ang condemned item na sakay ng mga Wing Van?
◘◘◘
IBINEBENTA kaya o hinihigop ng UFO ang mga Wing Van?
Karaniwang ang mga nasasabat sa pier tulad ng luxury cars o ukay-ukay o canned goods o kahit ano pa ‘yan ay sadyang ipinawawasak ng Customs sa mga Service Contractor For condemnation.
◘◘◘
TINUKOY ni Guerrero na ang Naturang kontraktor ay kulang sa clearance galing sa BOC Legal Service para makapag-operate .
Nabatid na hindi rin pala ito kompleto sa equipment upang maisagawa requirements na nakasaad sa mga kontrata nito sa Customs.
◘◘◘
MAHALAGANG madisiplina ang mga kontraktor at maiwasang maibenta sa merkado ang mga epektos.
Sa nalalapit na Kapaskuhan, asahan ang sangkatutak na smuggled goods sa bangketa at divisoria!
◘◘◘
MARAMI ang tumatakas ang buwis sa Adwana.
Saan kukuha ang gobyerno ng pambayad sa trilyones na utang?
Kailangang mapigil ang mga pusakal na ismaglers sa Adwana.





Comments