ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Pebrero 20, 2024
KALIWA’T KANAN NA ATAKE KAY VP SARA PERO RATING NIYA ‘VERY GOOD’, ANG RATING NAMAN NI P-BBM ‘GOOD LANG’ -- Sa latest survey na isinapubliko ng SWS patungkol sa net satisfaction rating ay nakakuha si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ng 61% at ang nakuha lang ni Pres. Bongbong Marcos ay 47%.
Mantakin n’yo, kaliwa’t kanang atake na ang ginagawa ng mga kaalyado ni P-BBM sa Kongreso kay VP Sara at sa pamilya Duterte, pero hindi pa rin magawa ng Presidente na maungusan sa survey ang bise presidente, kasi nga ayon sa survey na ito ng SWS ay good lang ang rating ni P-BBM, at very good ang rating ni VP Sara, boom!
◘◘◘
BASE SA SURVEY, GUSTONG IBOTO NG MAJORITY PINOY ANG MGA TRAPO AT POLITICAL DYNASTY -- Isinapubliko ng Magdalo National ang resulta ng kanilang survey patungkol naman sa top 12 senatoriables na posibleng manalo sa 2025 elections at kung magkakatotoo na magiging senador ang mga ito pagkatapos ng halalan sa May 2025, sa tingin ko ay wala na talagang patutunguhan ang Pilipinas kundi pagkalugmok na magdudulot ng patuloy na paghihirap ng mga Pinoy.
Ang mga pumasok kasi sa top 12 senatoriables, karamihan ay mga trapo (traditional politicians) at mula sa political dynasty.
Hay naku, kailan kaya matututo ang mga botanteng Pinoy sa tamang pagboto kasi ang daming kandidato sa pagkasenador na hindi naman trapo at walang political dynasty, pero ang gusto nilang iluklok sa pagkasenador ay mga trapo at political dynasty, tsk!
◘◘◘
LIBRE NAMAN ANG GOOGLE, SANA I-SEARCH NG NETIZENS KUNG GOOD O BAD ANG TRAPO AT POLITICAL DYNASTY -- Libre naman ang Google, kaya’t panawagan natin sa mga netizens na paki-search kung ano ang kahulugan ng trapo at political dynasty.
Kung sa pag-search nila ay lumitaw sa Google na good ang mga trapo at political dynasty ay dapat ngang iboto nila ang mga ito, pero kung ang lalabas sa Google ay bad ang pagkatao ng mga trapo at political dynasty, aba’y mag-isip naman sila kung iboboto pa nila ang mga hinahangaan nilang mga trapo at mga pulitiko na may political dynasty, period!
◘◘◘
SA SURVEY, PARANG SINABI NG 75% PINOYS NA WA’ ‘WENTA ANG MARCOS ADMIN SA PAGLUTAS SA INFLATION RATE -- Sa survey naman na inanunsyo ng OCTA Research Firm ay 75% ng Pinoy ang nagsabing hindi maganda ang aksyon o laban ng Marcos administration sa pagtaas ng inflation rate o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin sa bansa.
Kumbaga, parang sinabi na rin ng 75% Pinoy na wa’ ‘wenta ang Marcos admin kasi tila “inutil” sa patuloy na pagtaas ng inflation rate sa ‘Pinas, boom!
Comments