top of page

Mga tiwaling mambabatas, tiyaking mapaparusahan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 12
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 12, 2025



Boses by Ryan Sison


Katiwalian sa mga proyekto, imprastraktura — nakakasawa, nakakapagod, pero higit sa lahat, nagpapahirap sa mamamayan at sa bayan. 


Ang mga ulat hinggil sa mga nagpoprotesta sa maraming sulok ng bansa ay malinaw na pagpapakitang sawa na sila sa mga “ghost projects” at flood control scam na mas nagdudulot pa ng problema kaysa solusyon. Hindi ito simpleng isyu na pati pondo o kaban ng bayan ay nawawala. Ito’y usapin ng katarungan at pananagutan. Kaya naman nitong Huwebes, Setyembre 11 iba’t ibang grupo gaya ng Tindig Pilipinas, SIKLAB, Kilusang Masa, Nagkaisa, at Akbayan Youth ang nagsama-sama sa EDSA Shrine para manawagan ng accountability. 


Ang kanilang sentrong panawagan ay buksan o ilahad ang Statement of Assets, Liabilities, and Networth (SALNs) ng mga mambabatas at itatag ang mga konkretong mekanismo laban sa katiwalian. 


Ayon kay Rep. Perci Cendaña, panahon na para maglatag ng tunay na prophylactic laban sa talamak na sakit ng korupsiyon, isang independent commission at isang Open Infra Law na sisigurong ang mga proyekto’y transparent at kapaki-pakinabang. 


Binigyang-diin na rin ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr., na sa gitna ng tumitinding panawagan mula sa mga protesta sa lansangan, nilagdaan niya ang Executive Order No. 94, na bumuo sa Independent Commission for Infrastructure (ICI). Layunin nitong imbestigahan ang mga anomalya sa flood control projects at papanagutin ang mga tiwaling opisyal. Isang kasagutan sa mga hinaing ng taumbayan — isang hakbang laban sa korupsiyon.


Ang binuong ICI ay may kapangyarihang mag-imbestiga, mag-isyu ng subpoena, magmungkahi ng kaso, at magrekomenda ng freeze ng assets ng mga sangkot. 

Subalit, habang ang Palasyo ay nagtatatag ng bagong mekanismo, hindi dapat malimutan na ang ugat ng problema ay hindi lang dahil walang batas kundi kawalan ng political will. 


Sa dami ng komisyon at task force na nabuo ng mga nakaraan, bakit nananatiling sanhi ng pagkasira ng bayan ang katiwalian? 


Kaya marahil, marami pa rin ang naniniwalang ang lakas ng tinig ay nagmumula sa EDSA Shrine, at nagpapaalala sa lahat na hindi sapat ang papel at tinta, dahil ang tunay na sukatan ay aksyon at resulta. 


Ang laban kontra-korupsiyon ay hindi lang trabaho ng isang komisyon kundi ng buong lipunan. Kung hindi mababago ang kultura ng katiwalian sa bansa kahit ilang ICI pa ang itayo, babalik at babalik ang mga anino ng ghost projects at kauri nito. Habang patuloy na maririnig ang tinig ng mga nagprotesta na itinuturing na sigaw ng konsensya ng sambayanan.


Oras na para gawing seryoso ang laban. Hindi ito dapat manatiling palabas, kundi maging makasaysayang pagbangon kontra-katiwalian. 

Nawa’y hindi na lumala pa ang sitwasyon, at sa lalong madaling panahon ay maresolbahan na ang problema.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page