Mga taong nagpapatupad ng health protocols ang mismong pasaway, nakakahiya!
- BULGAR
- Jun 27, 2021
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | June 27, 2021
Naging mainit na usapin nitong nakaraang linggo ang paggamit ng face shields dahil sa magkakaibang pahayag ng mga nasa pamahalaan tungkol dito.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaari nang limitahan ang paggamit ng face shields sa mga ospital.
Matapos ang ilang araw, nilinaw ng Malacañang na mandatory pa rin ang pagsusuot ng face shields indoor at outdoor matapos payuhan ng mga health experts ang pangulo tungkol sa bagong kumakalat na Delta variant.
☻☻☻
Dahil sa magkahiwalay na pahayag, marami sa ating mga kababayan ang nalito kung ano nga ba ang polisiya ng pamahalaan tungkol sa paggamit ng face shields.
May mga pumuna rin at nagtanong kung gaano ka-epektibo ang face shields kontra sa virus.
Kapansin-pansin kasi kahit ang bansa lang natin ang may protocol na mandatory wearing of face shields, ang Pilipinas pa rin ang number 1 in active cases, number 1 in total cases, and number 1 sa mga namatayan sa Western Pacific region ng World Health Organization.
☻☻☻
Idagdag pa natin dito na marami sa ating mga kababayan ang nakapansin na ilan sa mga taong dapat nagpapatupad ng nasabing guidelines ay sila mismo ang hindi nagsusuot ng face shield.
Let us practice what we preach dahil nakakahiya sa ating mga kababayan na pilit sinusunod ang mga panuntunan na inilatag ng IATF.
☻☻☻
Noong Huwebes ay namighati ang buong bansa dahil sa balitang pumanaw na si dating pangulong Benigno Aquino III.
Taos-puso tayong nakikiramay sa Pamilyang Aquino at nawa’y alalahanin natin natin si ex-P-Noy sa kanyang serbisyo sa bayan bilang Kinatawan ng Tarlac, Senador at Pangulo ng Pilipinas.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang pahalaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments