Mga taong lansangan, maaabutan na ng tulong
- BULGAR

- Jul 31
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 31, 2025

Ang mga kababayan nating tinatawag na pinakamahirap sa mga mahihirap ay napapansin na. Hindi na lang sila bahagi ng tanawin sa mga overpass, kalsada, o kariton — sila na ngayon ang sentro ng mga panibagong polisiya sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, napagtuunan din ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at hiniling sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga local government unit (LGU) na hanapin, kupkupin, at irehistro ang mga pamilya at indibidwal na nasa mga lansangan sa mga programang gaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Dito pumasok ang Pag-Abot Program ng DSWD — isang inisyatibong hindi lang pansamantalang silungan, kundi daan tungo sa muling pagkakaugnay ng mga palaboy sa kanilang mga pamilya at komunidad.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, layunin ng Pag-Abot na mailayo ang mga Families and Individuals in Street Situations (FISS) sa lansangan at bigyan sila ng pangmatagalang suporta tulad ng kabuhayan, edukasyon, at serbisyong pangkalusugan.
Sa katunayan, mahigit 100 social workers ang araw-araw nang rumoronda sa Metro Manila para abutin ang mga nangangailangan, mula sa ilalim ng tulay hanggang sa mga eskinita. Sa Pasay, ginawang pansamantalang shelter ang dating POGO hub, at ngayon ay tinatawag nang “Walang Gutom Kitchen.”
Para sa mga bata, may edukasyong iniaalok sa kanila, at para naman sa mga matatanda o adult, may skills training sa tulong ng TESDA at Department of Labor and Employment (DOLE). Layon din ng programa na palakasin ang mga pamilya, at amyendahan ang batas ng 4Ps upang ang mga hindi pa handang umalis sa programa ay mapanatili hanggang sa sila’y makaahon.
Sa unang pagkakataon, hindi lang LGUs ang kikilos, kundi mismong national government. Isang pambihirang senyales, kung saan hindi na puwedeng isantabi ang mga kababayan na kadalasang nababalewala ng lipunan.
Sa ganang akin, ang kalsada ay hindi tahanan, at hindi rin ito dapat maging kanlungan ng sinuman.
Ang maibalik sa mga itinuturing na palaboy ang kanilang dignidad, pagkatao, at pag-asa ay hindi dapat isang proyektong pampulitika, kundi isang responsibilidad ng bayan.
Nawa ang programang nabanggit ay magtuluy-tuloy, hanggang sa susunod na henerasyon, upang wala nang manatili sa mga lansangan dahil sa konkretong pag-abot na ginagawa sa bawat mamamayang nakakalimutan ng iilan. Alalahanin sana natin na ang totoong progreso ay nasusukat hindi lang sa taas ng ekonomiya nito, kundi sa malasakit na maiangat ang mga pinakamababa sa lipunan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments