top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mga supporters, ‘wag masyadong mainit sa kampanya, relax lang

BULGAR
Mar 25, 2022
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 25, 2022


Ngayong araw na ang simula ng pinakahihintay ng marami nating kababayan na opisyal na simula ng campaign period para sa mga local candidates base sa itinakda ng Commission on Elections (Comelec) na magtatapos hanggang Mayo 7 ng taong kasalukuyan.


Sa ilalim ng Comelec Resolution 10730, ang mga kandidato para sa pagka-congressman, mga kandidato sa regional, provincial, city at municipal elective positions ay maaari nang mangampanya nang legal sa panahong itinakda ng Comelec.


Nakapaloob dito ang in-person campaign, rallies, caucuses, meetings, conventions, motorcade and caravans, at higit sa lahat ay ang miting de avance sa ilalim ng ‘new normal’ para sa national at local elections sa Mayo 9, 2022.


Dahil sa masyadong excited na ang marami sa simula ng local campaign period ay agad na nag-utos ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa lahat ng police commanders na bago pa magsimula ang itinakdang kampanya ay magsagawa na ng assessment sa lahat ng klase ng banta na may kaugnayan sa nalalapit na eleksyon.


Tukoy na ng pamunuan ng PNP ang mga lugar, mga kandidato at iba pang elemento na posibleng maging problema sa panahon ng kampanya kasabay ng pangakong pinaghandaan na umano nila ang kaligtasan ng ating mga kababayan na lalahok sa kampanya.


Dahil sa ginawang paghahanda ng PNP ay mabilis umano silang makapagpapakalat ng mga tauhan sa mga markadong lugar na kilalang mainit sa tuwing panahon ng halalan upang hindi na humantong sa mas mainit o madugong sitwasyon.


Sa mga personalidad na natukoy na nahaharap sa peligro at may banta sa kani-kanilang buhay ay may mga nakahandang security package ang PNP kabilang na ang personnel mula sa local police o provincial Mobile Force Battalion para sa karagdagang seguridad.

Kaya lamang ang naturang security package ng PNP ay maaari lamang ipagkaloob sa mga taong may banta sa buhay ngunit hindi na tumatakbo pa sa kahit anong posisyon para sa nalalapit na halalan.


Kapansin-pansin naman ang init ng papalapit na eleksyon simula nang mag-umpisa ang campaign period para sa national candidates na sinimulan noong Pebrero 8 at inaasahang mas magiging agresibo ang supporters ng mga kandidato sa lokal na karaniwang problema tuwing panahon ng kampanya.


Sa ilalim ng Fair Elections Act, ang mga kandidato at political parties ay hindi na maaaring magsagawa ng kahit anong aktibidades na may kinalaman sa kampanya sa Maundy Thursday (Abril 14, 2022), Good Friday (Abril 15, 2022), sa bisperas ng eleksyon (Mayo 8, 2022) at sa mismong araw ng eleksyon (Mayo 9,2022).


Sa mga supporters ng mga kandidato, sana lang ay huwag tayong masyadong emosyonal at limitahan lang natin sa legal na pamamaraan ang ating pagsuporta sa isang kandidato upang hindi na humantong sa marahas na pangyayari na karaniwang nagaganap sa panahon ng kampanya.


Igalang din natin ang istilo ng pangangampanya ng kalaban sa pulitika at huwag maninira ng mga campaign paraphernalia dahil ginagastusan ito nang mahal at sa halip ay tutukan natin ang legal na panuntunan ng Comelec hinggil sa tamang election propaganda.


Huwag na sanang dumagdag pa ang mga supporters sa pagpapakalat ng fake news sa social media dahil marami nang masasamang loob ang gumagawa nito at mitsa rin ito ng kaguluhan sa magkabilang kampo.


Higit sa lahat ay huwag sana nating kalilimutan na panahon pa rin ito ng pandemya, kahit nasa Alert Level 1 na ang maraming lugar ay hindi maitatanggi na ang mga kalapit-bansa natin ay kasalukuyang sumisirit ang mga kaso ng COVID-19.


Hindi man sa paghiling pero hindi malayong isang araw ay magising na lamang tayo na santambak na naman ang pasyente sa mga ospital dahil sa muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 dahil sa pagdagsa ng mga supporters na nakakalimutan ang umiiral na health protocol.


Tandaan natin na ang kampanya ay hanggang Mayo 7 pa, ang pagboto para sa overseas voters ay mula Abril 10 hanggang Mayo 9 at ang pagboto naman ng mga local absentee voters ay sa Abril 27 hanggang Abril 29 at sa Mayo 9 pa ang mismong eleksyon.


Ibig sabihin, napakarami pa ng insidente na maaaring magkumpulan ang ating mga kababayan na posibleng humantong sa malawakang pagkakahawa-hawa, lalo pa at may mga kababayan pa tayong hindi pa natuturukan ng bakuna laban sa COVID-19.


Wala namang bagong kautusan maliban sa pagsusuot ng face mask, regular na paghuhugas ng kamay at physical distancing, pero nakakalimutan ang lahat ng ito dahil sa mainit na pagsalubong ng ating mga kababayan sa mga umiikot na kandidato.


Alalahanin natin na ang South Korea sa kasalukuyan ay pumapalo sa 300,000 kaso ng COVID-19 araw-araw sa nagdaang pitong araw at ang China ay nagpapatupad na naman ng mga lockdown at marami pang bansa ang tumataas pa ang mga kaso kaya dapat lang nating seryosohin ang pag-iingat.


Huwag na nating hayaan na muli nating maranasan ang sobrang hirap, ang mawalan ng maraming buhay at kabuhayan, ang pagbagsak ng ekonomiya dahil lamang sa kinalimutan natin ang ating natutunan sa kasagsagan ng pandemya.


Nakakapangamba kasi na baka maapektuhan ang eleksyon dahil naka-lockdown na naman tayo at kailangang unahin muna ang kaligtasan ng marami na iniiwasan nating mangyari dahil masasayang ang preparasyon ng ating mga kababayan para sa inaasahan nating pagbabago.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page