Mga sinungaling na trapo, kasuhan ng Perjury para makulong nang 10-yrs.
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 7, 2021
P-DUTERTE, BAKA UNANG MASAMPULAN SA PINABIGAT NIYANG KASONG PERJURY—Inaprubahan na ni P-Duterte ang batas na magpapataw ng mabigat na parusa sa mga nagsisinungaling kasi kung dati ay 4-months hanggang 2-years lang ang kulong sa kasong perjury, ngayon ay 6-years hanggang 10-years nang makukulong ang mga akusadong sinungaling.
Naku, baka kapag wala na sa poder si P-Duterte ay siya ang unang masampulan sa inaprub niyang batas na ito.
Dami kasing ginawang pagsisinungaling sa mamamayan si P-Duterte, kabilang dito ang promise niyang ipaglalaban niya ang West Philippine Sea (WPS) laban sa China, na nang maluklok na siya sa poder, ang sabi niya, joke lang ‘yung sinabi niya, pangkampanya lang daw niya ang pramis niyang ipaglalaban niya ang WPS at ang pramis niyang susugpuin niya ang korupsiyon na ang nangyari, ayon kay Sen. Richard Gordon ay ang pangulo pa ang nag-aabogado sa mga korup na sangkot sa PS-DBM (Procurement Service-Dept. of Budget and Management)-Pharmally multi billion peso scam, boom!
◘◘◘
CAYETANO AT LEGARDA, ANG TAGAL NA SA PULITIKA, WALA MAN LANG MAIBIDA NA NAGAWA NILA SA BAYAN AT MAMAMAYAN—Ngayong panahon ng eleksiyon ay may mga pulitiko na ang ibinibida ay ang mga nagawa na nila sa bayan at sa mamamayan, pero sa political ad nina senatorial candidates Alan Cayetano at Loren Legarda, ang ibinibida nila ay ang gagawin pa lang nila, si Cayetano ay ayudang tig- P10-K sa lahat ng Pilipino, at si Legarda naman ay tablet gadgets sa lahat ng mga mag-aaral.
Ibig bang sabihin, na sa tagal na sa pulitika nina Cayetano at Legarda ay wala silang maibibidang nagawa nila kaya’t ang ibinibida ay ang mga gagawin pa lang? Tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
KUNG TOTOONG GUSTONG MAKATULONG, DAPAT NOON PA IPINAGLABAN ANG P10-K AYUDA AT FREE TABLET GADGETS AT HINDI NGAYONG PANAHON NG ELEKSIYON—Kung totoong gustong makatulong nina Cayetano at Legarda sa mga kababayan sa panahon ng krisis dulot ng pandemya, dapat ang mga panukala nilang ito na P10-K ayuda sa bawat Pilipino at free tablet gadgets sa lahat ng mga mag-aaral ay dapat ipinaglaban nilang maisama sa pondong nakapaloob sa Bayanihan Act 1.
Ang masaklap, hindi nila ginawa at sa panahon ng eleksiyon lang nila isinulong ang mga ito, para magamit na pang-propaganda sa kanilang mga ambisyon na makabalik sa Senado, pwe!
◘◘◘
MASYADO NANG KAAWA-AWA ANG MAMAMAYAN SA KASINUNGALINGAN NG MGA TRAPO, DAPAT NA SILANG MAKULONG—Ngayong mabigat na ang parusa sa mga nagsisinungaling, sana ang Ombudsman ay magkusang umaksiyon na magsampa ng kaso laban sa mga sinungaling na trapo (traditional politicians) na kapag naluklok na ay hindi tinutupad ang mga ipinangakong serbisyo sa mamamayan.
Masyado na kasing kaawa-awa ang mamamayan, na umaasa sa pangako ng trapo, pero kapag naluklok na ang trapo, napapako na ang pangako.
Panahon na upang makasuhan at makulong ang mga trapo na mahilig mambola at manloko sa mamamayan, at kapag nangyari ‘yan, asahan ng sa mga darating pang eleksiyon ay wala nang mga pulitikong mangangako ng kasinungalingan sa mamamayan, period!





Comments