Mga scalawag na parak at kriminal, lagot sa 'e-sumbong' ni Gen. Eleazar
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | May 24, 2021
PATOK ANG 'E-SUMBONG MO, AKSYON AKO' NI PNP CHIEF GEN. ELEAZAR--Hindi nagkamali si P-Duterte sa pagtalaga kay Gen. Guillermo Eleazar bilang bagong PNP chief dahil ang isa sa programa nito ay ang "E-Sumbong Mo, Aksyon Ako" o online reporting system ay nagustuhan at pumatok sa publiko dahil sa loob lang ng dalawang araw, mula May 20, 2021 at May 21, 2021 ay 144 reklamo sa mga abusadong parak at crime reporting ng mamamayan ang agad natugunan ng kapulisan.
Patunay ang programang 'yan ni Gen. Eleazar na desidido siyang linisin ang hanay ng PNP at pabilisiin ang aksiyon ng kapulisan sa pagresolba sa kriminalidad, period!
◘◘◘
HABANG DESIDIDO SI GEN. ELEAZAR SA PAGLINIS SA KAPULISAN, MAY ISANG ALYAS FRANCIS NA SINISIRA ANG SPDO SA PANGHIHINGI NG PAYOLA--Bagama’t desidido si Gen. Eleazar na ibalik ang tiwala ng publiko sa kapulisan ay may ilang "tongpats" collector ang ginagamit pa rin ang PNP para magkamal ng kuwarta mula sa mga ilegalista.
Tulad sa south sector ng Metro Manila, isang tongpats collector na nagngangalang "Francis" ang ginagamit daw ang headquarters ng Southern Police District Office (SPDO) para makapanghingi ng weekly payola sa mga ilegalista sa Muntinlupa City, Pasay City, Taguig City, Las Pinas City, Paranaque City at Makati City.
O, ano pa ang hinihintay mo, P/Brig. Gen. Jimili Lopez Macaraeg, SPDC director, aba, ipa-tokhang mo na si "Francis" dahil isa sa mga pokus ni Gen. Eleazar ay linisin ang hanay ng PNP, tapos may isang "tongpats" collector sa jurisdiction mo ang sumisira sa imahe ng kapulisan sa panghihingi ng payola, boom!
◘◘◘
SINO ANG NASA LIKOD NG 'TONGPATS' COLLECTION NINA 'MADAM REYNA,' 'CESAR PILOSOPO' AT 'AD-JUAN'?--Bukod kay Gen. Eleazar ay kilala rin si NCRPO (National Capitl Regional Police Office) Director, P/Maj. Gen. Vicente Danao na hate ang mga scalawag na parak, pero ang nakapagtataka lang ay sa kabila na kilala itong (Danao) mabagsik laban sa mga tiwaling pulis ay may mga tongpats collector din na nagngangalang "Madam Reyna", "Cesar Pilosopo" at "Ad-Juan" ang hanggang ngayon ay patuloy na nanghihingi ng payola bilang protection money sa lahat ng ilegalista sa Metro Manila.
Sa isyung ito, dapat alamin ni Gen. Danao kung sino sa kanyang mga tauhan ang nag-aalaga ng mga "tongpats" collector kasi hindi naman maglalakas-loob sina "Madam Reyna", "Cesar Pilosopo" at "Ad-Juan" na manghingi ng payola kung walang basbas ng corrupt na police official, period!
◘◘◘
NANG MAGBALIK-GCQ, BALIK NA RIN ANG OPERASYON NG MGA ILEGALISTA SA METRO MANILA--Nang mag-GCQ (General Community Quarantine) sa Metro Manila ay nagbalik-operasyon na raw ang mga raket na bookies at lotteng nina "Boy Abang" at "Lorna" sa Maynila; "Edmon" at "Iking" sa Caloocan City; "Mario" at "Atan" sa Malabon City; "Judi" at "Leody" sa Navotas.
Ngayong nag-o-operate na naman ang mga gambling lords na ito, tingnan nga natin kung kaya silang ipa-"tokhang" ng bagong director ng Northern Police District Office (NPDO) na si P/Brig. Gen. Jose Hidalgo, abangan!





Comments