Mga sangkot sa ‘ghost student’ claims, papanagutin
- BULGAR

- Aug 1
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 1, 2025

Hindi kailanman tama ang pagnanakaw, pero ibang usapan kapag edukasyon ng kabataan ang ninanakawan. Kaya’t tama lamang ang matapang na hakbang ng Department of Education (DepEd) na kasuhan ng civil at criminal ang mga nasa likod ng pekeng voucher claims sa Senior High School (SHS) program. Hindi lang ito simpleng anomalya — ito ay kasalanang direktang sumasakal sa kinabukasan ng mga bata.
Sa ilalim ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE), libu-libong estudyante ang dapat tumanggap ng educational vouchers upang makapag-aral sa pribadong paaralan. Subalit, lumabas sa imbestigasyon ng Commission on Audit (COA) na may mga “ghost students” — mga pinalabas na nag-enroll pero hindi naman totoo — na ginamit upang dayain ang sistema at ibulsa ang pera ng taumbayan.
Ang inisyal na P65 milyon na halagang sangkot ay posibleng lumobo na sa P100 milyon.
Ipinahayag ni DepEd Secretary Juan Edgardo Angara na nagsampa na sila ng kaukulang kaso laban sa mga mapagsamantalang indibidwal at institusyon. Ito ay hindi lang upang mabawi ang halaga ng nakuha ng mga “ghost student” kundi upang maibalik ang tiwala sa sistemang dapat ay para sa mga lehitimong benepisyaryo o iyong mga karapat-dapat na tumanggap ng naturang voucher.
Mainam na ang imbestigasyon ay nagpapatuloy, kasabay ng mga reporma upang higpitan pa ang sistema at maiwasan ang panibagong kalokohan sa hinaharap.
Hindi dapat ‘pinaglalaruan’ ang programa para sa edukasyon. Kapag may isyu rito ng korupsiyon, sapul hindi lang ang kaban ng bayan kundi ang libu-libong batang umaasa sa edukasyon bilang tulay para sa mas maganda nilang kinabukasan.
Habambuhay ang epekto ng kawalan ng oportunidad, kaya habambuhay din dapat ang pananagutan ng mga mapagsamantala. Gayundin, kailangang papanagutin ang mga sangkot dito.
Sa bawat ‘ghost student’, may tunay na estudyanteng nawalan ng pagkakataon. At sa bawat pisong nanakaw, may isang guro o silid-aralan na nawalan ng suporta.
Hindi sapat ang pag-imbestiga lamang — ang katarungan ay dapat maipataw nang totoo at mabilis. Higit sa lahat, dapat ipaglaban nat
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments