Mga sangkot sa EJK, ipapahuli ng Marcos admin sa Interpol?
- BULGAR

- Aug 16, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 16, 2024

DAPAT UMAKSYON SINA MAYORA MAILA TING AT GEN. BIRUNG LABAN SA GAMBLING LORD NA SI “'MELAD” KASI PATI PERANG BAON NG MGA BATANG MAG-AARAL NIRARAKET -- Karamihan sa mga nagsusugal sa raket na “dice” ni alyas “Melad” sa Tuguegarao City ay mga batang mag-aaral.
Panawagan kina Mayora Maila Ting at PNP-Region 2 Director Gen. Christopher Birung, paki-raid at ipa-stop na ang pasugalang “dice” na ito kasi pati perang baon ng mga batang mag-aaral, niraraket ni “Melad,” period!
XXX
TAGILID ANG MGA SANGKOT SA EJK KASI SA TEMA NG SALITA NI SEC. REMULLA, PAPAYAGAN NA PUMASOK SA ‘PINAS ANG INTERPOL -- Sinabi ni Justice Sec. Boying Remulla na wala ng commitment ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) dahil kumalas na rito ang bansa noong Duterte administration, pero sa International Criminal Police Organization (Interpol) ay may commitment ang ‘Pinas.
Kumbaga, parang sinabi na rin ni Sec. Remulla na hahayaan ng Marcos admin na pumasok sa bansa ang Interpol operatives para dakpin at ikulong sa ICC jail sa The Netherlands ang mga sangkot sa extrajudicial killings (EJK) sa ‘Pinas noong panahon ng Duterte admin, boom!
XXX
‘PAG NATALO SI SEN. TOLENTINO, MARAMI PA RING DDS, ‘PAG NANALO MAS MARAMI ANG MARCOS LOYALISTS -- Ayon kay ex-P-Duterte, hindi na raw niya ikakampanya ang kandidatura ni Sen. Francis Tolentino dahil kumalas na raw ito sa kanilang PDP party at nakipag-alyansa na sa Marcos admin.
Kapag sa 2025 senatorial election ay natalo si Tolentino, ibig sabihin niyan marami pa rin ang Duterte Diehard Supporters (DDS), pero kapag nanalo, ibig sabihin, mas marami na ang Marcos loyalists, period!
XXX
HINDI MATATAHIMIK ANG MARCOS ADMIN KAPAG NAGING SENADOR SI EX-P-DUTERTE -- Kapag may inilabas na senatorial survey ang mga survey firms, laging pasok sa top 12 si ex-P-Duterte, at sa latest survey ng RP-Mission Development Foundation ay pasok na naman siya, rank 6 ang ex-president.
Naku, eh kapag naging senador si ex-P-Duterte ay asahang nang hindi matatahimik ang Marcos admin, kasi malamang maya’t maya may privilege speech ito (ex-P-Duterte) laban kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM), abangan!




Comments